₱1.134 Bilyon inilabas ng DBM para sa restoration ng mga Heritage School Buildings ng DepEd
Mon Lazaro April 2, 2024 at 03:49 PM
Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglabas ng isang Special Allotment Release Order (SARO) na nagkakahalaga ng ₱1.134 bilyon para sa pangangailangan sa pondo ng Department of Education (DepEd) para sa “conservation and restoration” ng mga heritage school buildings.
Sa pahayag ng DBM, kabilang sa mabibiyayaan ng nasabing pondo ay ang Gabaldon School Buildings o mas kilala sa tawag na Gabaldons na itinayo noong panahon ng kolonyalismo ng Estados Unidos.
Nagmula ang inspirasyon ng kanilang arkitektura sa tradisyunal na bahay kubo (nipa hut) at bahay na bato (stone house).
Sa kasalukuyan, mayroong 2,045 Gabaldon Schoolhouses sa buong Pilipinas.
“Let us restore and preserve the dignified spaces of our Gabaldon School Buildings and other heritage structures. Whether nestled in bustling cities or remote provinces, these historic edifices hold the promise of progress. Together, we forge a path toward a renewed Philippines, leaving no one behind as espoused by President Bongbong Marcos’ vision of a Bagong Pilipinas,” panawagan ni DBM Sec. Amenah Pangandaman.
Inaprubahan ni Pangandaman ang paglabas ng SARO para sa nasabing layunin nitong nakaraang Marso 1 taong kasalukuyan.
Sakop ng alokasyon ng pondo ang mga sumusunod na rehiyon: Cordillera Administrative Region, CARAGA, National Capital Region (NCR), at Region 1-12.
Itinakda sa Special Provision no. 21 ng FY 2024 GAA at alinsunod sa RA 11194 at ang implementing rules and reguations (IRR) nito.
Ang mga heritage school buildings, kasama na ang mga Gabaldon school buildings, ay dapat mapanatili at maibalik bilang bahagi ng mga pagsisikap sa pagpapahalaga sa kultura ng bansa .
Kasama sa proseso ng restoration ang pagpapabuti sa lugar tulad ng pagbibigay ng grado sa lugar ng paaralan, na may mataas na pagsasaalang-alang sa kaligtasan at integridad ng gusali, at pag-aalis ng mga sagabal at hindi ligtas na istraktura sa paligid ng gusali ng Gabaldon.
Bukod dito, dapat ding tiyakin ng DepEd at Department of Public Works and Highways (DPWH) na ang mga nabanggit na paaralan ay ganap na maibalik at hindi lamang marenovate o marehabilitate.
Ayon sa DepEd, isinasagawa ang isang joint inspection ng mga gusali kasama ang National Commission for Culture and the Arts, National Historical Commission, at National Museum of the Philippines.
Ang inilabas na halaga ay nakatakdang magbigay ng benepisyo sa 654 silid-aralan sa 83 sites sa buong bansa.
📷: Department of Budget and Management FB