₱43.7-M substandard na appliances nasamsam sa Bulacan
Arkipelago News January 19, 2026 at 07:29 PM
BULACAN — Nasamsam ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tinatayang ₱43.7 milyong halaga ng mga hinihinalang substandard na home appliances sa isinagawang pagsalakay sa dalawang bodega sa Barangay Taal, Bocaue noong Enero 14.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni PMGen. Robert Morico II, Direktor ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ikinasa ng CIDG Regional Field Unit 3 at Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang search warrant dakong 1:30 ng hapon. Nagresulta ito sa pagkakaaresto sa limang suspek, kabilang ang isang Chinese national na kinilalang si “Yibian” na manager umano ng warehouse, at apat na empleyadong sina “Jonalyn,” “Arjelyn,” “Josias,” at “Generose.”
Nakumpiska sa operasyon ang mahigit 12,000 kahon ng mga kasangkapang de-kuryente sa ilalim ng tatak na “Tixx.” Kabilang sa mga nasabat ang mga air fryer, stove, water dispenser, heater, vacuum cleaner, at air cooler na walang kaukulang minimum labeling requirements mula sa Department of Trade and Industry (DTI), na paglabag sa Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines.
Binigyang-diin ni PMGen. Morico II na layunin ng operasyong ito na protektahan ang kapakanan at kaligtasan ng mga mamimili laban sa mga produktong maaaring magdulot ng panganib o sunog dahil sa kawalan ng sapat na kalidad.
Dinala ang mga suspek at mga ebidensya sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso. Patuloy na nananawagan ang CIDG sa publiko na isumbong ang anumang ilegal na gawain sa pulisya.
📷 CIDG