15 arestado sa ilegal na karera ng motorsiklo sa Bocaue
Mon Lazaro June 14, 2023 at 03:38 PMCAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Naaresto ng mga operatiba ng Bocaue Police Station ang 15 tao dahil sa pagsali at pagpusta sa ilegal na drag race ng motorsiklo.
Base sa ulat na nakarating kay Col. Relly Arnedo, Bulacan police director, dalawa sa mga naaresto ay mga drayber ng motorsiklo at labingtatlo (13) naman ang mga nagsipusta sa nasabing karera.
Kinilala ang dalawang drayber na sina Raven Carlo Julian at Angelo Jasper Reyes na naaktuhan na nagkakarera sa kahabaan ng Arena Road, Barangay Bolacan, Bocaue, Bulacan.
Kapwa sila walang suot na helmet, gumagamit ng modified muffler at walang kaukulang dokumento sa kanilang mga motorsiklo nang maaresto sila.
Samantala, labingtatlong (13) ilegal na mamumusta sa nasabing karera ang nadakip rin ng mga operatiba ng Bocaue Police Station.
Nakumpiska sa mga naaresto ang dalawang motorsiklo at mga perang pamusta na nagkakahalaga ng P4,000. Nahaharap sila sa mga kasong paglabag sa PD 1602 at RA 4136.
Photo: Bulacan Police PIO