35 na may pinakamataas na marka sa elementarya at high scholl binigyan ng cash incentive ng Caloocan LGU
Paulo Gaborni July 14, 2023 at 07:38 PMMay kabuuang 35 na nagsipagtapos na mag-aaral sa elementarya at high school sa Caloocan City na may pinakamataas na marka ang nakatanggap ng sampung libong pisong (P10,000) cash assistance mula sa pamahalaang lungsod.
Personal na ipinamahagi ni Mayor Malapitan ang mga tseke para sa mga bagong graduate. Ayon sa Punong Lungsod, ang tulong pinansyal ay ibinibigay bilang pabuya sa mga mag-aaral na may mataas na grado. Nagmula sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa Caloocan ang mga nakatanggap ng cash incentive.
“Ngayong taon, sinimulan na nating parangalan ng cash incentive ang mga mag-aaral na nakapagtapos nang may pinakamataas na marka. Isa ito sa paraan upang kilalanin ang kanilang galing, sipag, at dedikasyon sa eskwela,” ayon kay Mayor Malapitan.
“Layunin din nito na hikayatin ang iba pang estudyante na mas pagbutihin pa ang kanilang pag-aaral. Ang insentibong ito ay malaking bagay din para sa ating mga mag-aaral bilang karagdagang panggastos o pambaon sa susunod na school year,” dagdag niya.
Hinikayat din ng alkalde ang mga estudyante na lalo pa nilang pagbutihan ang kanilang pag-aaral para sa kanilang kinabukasan.
“Hangad ko na sa susunod mas marami pa tayong mabigyan ng insentibo, dahil patunay lamang ito na ang ating mga kabataan ay nagsisikap abutin ang kanilang mga pangarap at naghahangad ng isang maganda at maliwanag na kinabukasan,” wika ni Mayor Malapitan.
Photo: Wenald Hermoso Lopez