| Contact Us

ALL NA taga-Meycauayan, may ayuda mula sa lokal na pamahalaan

Jessa Fajardo June 22, 2021 at 11:09 AM

Sama ng loob at inggit daw ang naramdaman ni Celeste Chang noong hindi siya naabutan ng pinansyal na tulong mula sa gobyerno. Wala raw kasi ang pangalan niya sa listahan ng mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP). Ito ang programa ng gobyerno para matulungan ang mga mahihirap na Pilipinong lubhang naapektuhan ng pandemya.

Hindi rin daw nabigyan si Celeste noong nagpamahagi ng ayuda nang maisailalim ang Bulacan sa Enhanced Community Quarantine. Kaya ganoon na lang daw ang kanyang pagkadismaya.

Paliwanag niya, nahirapan naman daw ang lahat mula noong nagsimula ang krisis. Kaya isang malaking katanungan daw ang naglaro sa isipan niya, bakit hindi lahat ay nabigyan ng ayuda?

“Lahat naman naapektuhan. Walang may trabaho sa amin. Na-lockdown pa ang partner ko ng ilang buwan sa Taguig. Hanggang sa tuluyan na siyang nawalan ng trabaho dahil ‘di na siya pinabalik noong nakauwi siya ng Bulacan,” kuwento ni Celeste.

Nagtatrabaho raw siya ngayon bilang isang “shopper” – siya raw ang namimili ng groceries para sa kanyang mga customer na ayaw lumabas ng kanilang bahay. Tatlong buwan na raw siya sa trabahong ito.

Dati raw online seller si Celeste. Pero katulad ng marami, natigil siya sa trabahong ito dahil sa pagkalat ng nakamamatay na virus.

“Bago mag-pandemic, nagbebenta ako ng iba’t ibang bagay. Malaki ang kita ko noon. Kaso ngayon, base na lang sa dami ng orders,” kuwento nya.

Aminado si Celeste na mahirap i-budget ang kinikita niya sa ngayon. Lalo na’t meron siyang tatlong anak.

“Hinding hindi sumasapat ang kita ko. Kaya talaga namang mahirap ang buhay ngayon,” aniya.

Kaya naman tila isang biyaya raw ang inisyatibong inilunsad ni Mayor Linabelle Villarica ng Meycauayan, Bulacan. Tinawag itong ALL NA o Ayudang Lokal para sa Lahat ng Nangangailangan pa.

Layunin ng programa na matulungan ang mga pamilyang hindi naabutan ng financial aid mula sa gobyerno. Isang kaban ng bigas ang ipinapamahagi sa lahat ng pamilya ng lokal na pamahalaan ng Meycauayan. Pondo raw ng lungsod ang ginamit nila.

Mga kawani at department head daw ng city government ang nangangasiwa ng distribusyon at ang direktang nakikipag-ugnayan sa mga barangay.

Kuwento ni Celeste sa Arkipelago News, nakakuha siya ng isang kaban ng bigas nito lang nakaraang linggo. Aniya, malaking tulong daw ito sa kanyang pamilya.

“Hindi naman basta napupulot lang ang isang kaban. Kaya maswerte ang pamilya ko at isa kami sa mga nabiyayaan nito,” paliwanag niya.

Laking pasalamat ni Celeste na naninirahan sa Pandayan, Meycauayan. Isa ang Pandayan sa dalawampu’t anim na barangay ng naturang lungsod.

Photo courtesy of City of Meycauayan, Bulacan

Array
Facebook Notice for EU! You need to login to view and post FB Comments!
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 59 Last