Bagong pintang larawan ng Simbahan ng St. Martin of Tours sa Bocaue binasbasan
Mon Lazaro July 3, 2023 at 01:57 PMPinangunahang basbasan at pasinayaan ni Lub. Kgg. Dennis C. Villarojo., Ph.D, Obispo ng Diyosis ng Malolos ang bagong pintang larawan sa Simbahan ng San Martin ng Tours sa bayan ng Bocaue nitong ikalawang araw ng Hulyo.
Binasbasan rin ng Obispo ang sacristy, kumpisalan at Orotoryo ng Mahal na Poon ng Krus sa Wawa sa nasabing simbahan.
Pinangunahan rin ng Obispo ang isang Concelebrated Mass na kasama sina sina Rdo. P. Gener “Jigs” Garcia, Rdo. P. Ritz Darwin Resuello at Rdo. P. Mario Jose C. Ladra.
Kasama sa dumalo sa nasabing Misa ang kasalukuyang alkalde ng Bocaue na si Mayor Jonjon Villanueva at Bise alkalde Atty. Sherwin Tugna, kinatawan ng ika-limang Distrito ng Bulacan na si Ambrosio “Boy” Cruz, mga dating Gobernador, Josie Dela Cruz at Jonjon Mendoza, dating Bokal Anjo Mendoza at mga hermano at hermana ng Kapistahan ng Mahal na Poon ng Krus sa Wawa 2023.
Ayon sa Obispo, nang maitalaga si Rdo. Padre Ladra bilang kura paroko ng Simbahan ng San Martin ng Tours ng Bocaue sinabihan niya na marami nang naipagawa ang mga dating kura paroko at ang pwede niyang ipagawa ay ang kisame para malagyan ng mga pintang larawan. Hindi raw akalain ng Obispo na agad-kagad itong maipapagawa.
Ibinahagi naman ni Rdo. Padre Ladra na ang mga gawaing ito ay dulot ng bumuhos na tulong mula sa mga residente ng Bocaue, mga deboto ni San Martin ng Tours, mga deboto ng Simbahang Katolika, deboto ng Mahal na Poon ng Krus sa Wawa at kanilang mga kaibigan.
Photo: Mon Lazaro