Balita sa Caloocan
Reggie Vizmanos September 25, 2023 at 07:33 PMMga balita sa Caloocan:
-25 pamilya pansamantalang inilikas dahil sa matinding pagbaha sa kanilang lugar.
-Mid-Autumn Festival na sumisimbolo sa pagkakaisa ipinagdiwang ng LGU kasama ang mga Filipino-Chinese businessmen
-Candidates Briefing and Peace Covenant para sa BSKE inilunsad ng Northen Police District at Comelec.
-Iba’t-ibang libreng serbisyong medikal inihanda ng Caloocan City Medical Center (CCMC) bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-58 taong anibersaryo ng ospital.
Umabot sa 25 na pamilya o 97 na indibidwal mula sa Barangay 162 ang pansamantalang inilikas nitong September 23 dahil sa matinding pagbaha na idinulot ng tuloy- tuloy na malakas na pag-uulan.
Ang paglilikas at pagbibigay ng assistance sa mga binaha ay pinangunahan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), City Social Welfare and Development Department (CSWDD) at Community Relations Office (CRO).
Sinabi rin ng lokal na pamahalaan na ang sinumang nangangailangan ng mabilisang pagresponde at tulong ay maaaring makipag-ugnayan sa pamamagitan ng kanilang hotline numbers na 02-888-ALONG (25664) / 09167976365 / 09477964372.
Samantala, magkasamang nagdiwang ng Mid-Autumn Festival ang Pamahalaang Lungsod at mga kasapi ng Caloocan City Filipino-Chinese Chamber of Commerce, Inc. (FCCCI).
Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na kaisa sila sa diwa ng pagdiriwang ng Mid-Autumn Festival bilang isa sa pinakamahalagang okasyon sa kultura ng mga Chinese na sumisimbolo sa pagkakaisa at kasaganaan.
Pinasalamatan din ng LGU ang mga Filipino-Chinese businessmen sa kanilang malaking tulong sa kaunlaran ng Caloocan at sa pagbibigay ng hanapbuhay sa mga residente ng lungsod.
Matagumpay namang nailunsad ng Northern Police District (NPD) at ng Comelec ang Candidates Briefing and Peace Covenant para sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.
Ang aktibidad ay pinangunahan nina NPD Director PBGen. Rizalito Gapas, Caloocan City Chief of Police PCol. Ruben Lacuesta at Comelec Election Officer IV Atty. Dinah Valencia-Jimenez.
Ayon sa NPD, nagkaisa ang mga kandidato sa BSKE gayundin ang pulisya, Comelec at iba’t ibang gupo sa Caloocan para sa pagdaraos ng mapayapa, malinis at maayos na halalan para sa mga magiging opisyal ng barangay.
Sa iba pang balita, naglatag ng mga libreng serbisyong medikal para sa mga residente ng lungsod ang Caloocan City Medical Center (CCMC) bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-58 taong anibersaryo ng pagkakatatag nito.
Ang mga serbisyong ito ay itinakda sa iba’t-ibang araw mula Setyembre 25 hanggang Setyembre 29, 2023.
Ilan sa inihanda ng CCMC na mga libreng serbisyo ay pre-natal checkup, pap smear, early cancer detection, chest x-ray, bunot ng ngipin, at marami pang iba.
Photo: Mayor Along Malapitan FB, Northern Police District PIO