Caloocan Bishop Ambo David, muling naihalal bilang CBCP President
Paulo Gaborni July 11, 2023 at 03:17 PMNaihalal sa ikalawang termino si Bishop Pablo Virgilio David ng Diocese ng Caloocan, bilang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Ang 64-anyos na prelate ay napili para sa posisyon sa unang araw ng 126th plenary assembly ng CBCP na ginanap sa Marzon Hotel sa bayan ng Kalibo sa Aklan noong Sabado.
Humigit-kumulang sa 80 obispo ang nagtipon para sa tatlong araw na pagpupulong. Ito ang pinakamataas na decision-making body ng CBCP.
Muli ring napili si Bishop Mylo Hubert Vergara, 60, ng Diocese ng Pasig bilang bise presidente ng episcopal conference.
Unang nahalal ang dalawa sa posisyon bilang Pangulo at Pangalawang Pangulo noong Hulyo 2021, habang ang buong mundo ay nasa gitna sa Covid-19 pandemic. Dahil din sa krisis sa kalusugan noong panahong iyon, naganap ang kanilang halalan sa isang online plenary assembly, ang una sa kasaysayan ng CBCP.
Sa isa sa mga liham pangpastoral bilang pinuno ng CBCP, nanawagan si David sa mga Katoliko na manindigan sa katotohanan, sa gitna ng tinatawag niyang “pandemic of lies”, lalo na sa social media.
Sa isang pahayag, umapela rin siya para sa “isang mas seryosong aksyon” laban sa climate crisis, at para sa mga institusyon ng simbahan “na magkaisa sa pagdedeklara ng isang state of emergency”.
Photo: Pablo Virgilio David FB