CBCP president at Caloocan Bishop David nais mapigilan ang red-tagging sa church groups
Reggie Vizmanos September 2, 2023 at 02:34 PMTarget ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na mapigilan ang mga insidente ng pag-redtag o pambibintang bilang kaalyado ng mga komunista sa mga organisasyong pang-simbahan kaya sila nakikipag-ugnayan sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ito ang inihayag ni CBCP president at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David kasabay ng paglilinaw niya na isang commission lang ng CBCP ang nakikipag-usap sa NTF-ELCAC at hindi ang buong grupo ng mga obispo.
Aniya, “It’s not exactly CBCP as a conference but the Episcopal Commission of Public Affairs that is there as a private sector representative. As such, this Commission has access to the NTF-ELCAC ExeCom and more opportunity to express the Church’s specific concerns… to address some Church issues vis-a-vis government, including the issue about the red tagging of some cause-oriented groups and Church organizations by the said body.”
(Hindi ang buong CBCP bagkus ay ang Episcopal Commission of Public Affairs lang ang naroon bilang private sector representative. Sa pamamagitan nito, ang komisyon ay mas makakapaghayag ng mga concerns ng simbahan… at maidudulog ang mga isyu sa pamahalaan kabilang ang pag-redtag ng NTF-ELCAC sa ilang cause-oriented groups at Church organizations).
Ang CBCP aniya ay malaking network na may 31 Commissions, Committees at Offices, na may sari-sariling ministry, pastoral work at social advocacy. Ang Episcopal Commission on Public Affairs aniya na pinamumunuan nina Bishop Reynaldo Evangelista bilang chairman at CBCP Spokesman Fr. Jerome Secillano bilang executive secretary, ay may tungkuling makipag-ugnayan at makipagdayalogo sa mga ahensya ng pamahalaan tungkol sa ibat-ibang isyung panlipunan.
Photo: CBCP