Dalawang bata, kabilang sa anim na nasawi sa sunog sa Sampaloc
Anna Hernandez December 8, 2024 at 03:46 PM![](https://arkipelagonews.com/wp-content/uploads/2024/12/Ark-Feature-IMG-1-2-1024x576.png)
MAYNILA — Anim katao, kabilang ang dalawang bata, ang nasawi sa isang sunog na tumupok sa isang residential building sa Blumentritt Street, Sampaloc, Maynila nitong Sabado ng madaling araw, Disyembre 7.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection-Manila (BFP), nagsimula ang sunog bandang alas-2:40 ng madaling araw sa 3rd floor ng apat na palapag na gusali, na pag-aari ng pamilya ni Nida Rivera Pili. Umabot ito sa ikalawang alarma pagkalipas ng sampung minuto at idineklarang fire out bandang 4:24 ng madaling araw. Patuloy na iniimbestigahan ang sanhi ng sunog, pero base sa inisyal na ulat, hinihinalang electrical ang pinagmulan nito.
![](https://arkipelagonews.com/wp-content/uploads/2024/12/viber_image_2024-12-08_15-40-32-995-edited.jpg)
Natagpuan ang tatlong bangkay sa ika-apat na palapag, habang ang tatlo pa ay nasa ground floor. Ayon sa mga bumbero, maaaring bumagsak mula sa ikalawang palapag ang tatlong nasawi dahil yari sa kahoy ang sahig. Ang mga nasawi ay kabilang sa dalawang pamilya, ngunit hindi pa inilalabas ang kanilang pagkakakilanlan habang isinusulat ang balitang ito.
Apektado ng insidente ang siyam na pamilya o 27 indibidwal, habang tinatayang P120,000 halaga ng ari-arian ang nasunog.
![](https://arkipelagonews.com/wp-content/uploads/2024/12/viber_image_2024-12-08_15-40-33-068-edited.jpg)
Dahil sa makitid na eskinita papunta sa lugar, naging hamon ang pagpasok ng mga bumbero. Umabot sa 63 trak ang rumesponde, kabilang ang 12 mula sa BFP, 40 mula sa mga volunteer group, isang truck mula sa lokal na pamahalaan, at tatlong ambulansya.
Dagdag pa ng BFP, karamihan sa mga residente ay natutulog nang maganap ang sunog, dahilan kaya hindi agad nakalikas ang mga biktima.
📷 Fire and Rescue Alert Responders