DBM naglabas ng P175.9 milyon para sa Grants-In-Aid Program ng health, research, development council
Mon Lazaro March 5, 2024 at 08:50 AMInaprubahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Mina Pangandaman ang pagpapalabas ng karagdagang Notices of Cash Allocation (NCAs) na nagkakahalaga ng P175.902 milyon sa Department of Science and Technology – Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD).
Ang nasabing pondo ay inaprubahan para tugunan ang pangangailangan sa pagpapatupad ng Grants-In-Aid (GIA) Program ng ahensya.
Ayon kay Secretary Pangandaman, ang hinihinging halaga ay itatalaga para sa pagpapatupad ng mga programa ng GIA sa research and development, capacity strengthening, pinansyal na suporta para sa iba’t ibang pananaliksik, pagsasagawa ng forum at convention, stipend para sa mga iskolar, at tulong-pinansyal sa mga State Universities and Colleges (SUCS).
“The field of research and development is very close to my heart, as it is with my mentor, the late Senate President Edgardo J. Angara. Investing in health research translates to investing in a healthier and more resilient future for our nation. With this additional fund, we help empower our scientists, scholars, and institutions to drive innovation and make a lasting impact on public health,” paliwanag ng kalihim.
Inaprubahan ni Secretary Pangandaman ang pagpapalabas ng mga NCA noong ika-13 at ika-27 ng Pebrero 2024.
Ang halagang ito ay bahagi ng P678.512 milyon na inilabas para sa GIA Program ng DOST-PCHRD, na nakatalaga sa line item na Development, Integration, Management, and Coordination of the National Health Research System for Health and Related Fields.
Nauna nang nagpalabas ang DBM ng kabuuang P25.646 milyon sa DOST-PCHRD para sa regular operating requirements nito sa unang quarter ng taon.
Sa ilalim ng FY 2024 General Appropriations Act (GAA), ang DOST-PCHRD ay binigyan ng kabuuang P828.955 milyon (kasama ang Automatic Appropriations).
📷: Amenah F. Pangandaman FB