ED Talks seminar nagbigay ng kaalaman para sa makabagong pamamahayag
Mon Lazaro June 29, 2023 at 05:02 PM
Isang ED Taks seminar ang ipinagkaloob sa mga piling mamahayag at communicators ng Bulacan nitong araw ng Martes, Hunyo 27, sa Casa Remedios sa Lungsod ng Malolos.
Ang nasabing seminar ay sinuportahan ng San Miguel Corporation na pinamagatan na “Becoming New Media” na inorganisa sa pamamagitan ni Nathaniel Barreto, isang deskman ng The Philippine STAR.
Apat na batikang mamamahayag ang nagbigay ng mga tamang pamamaraan sa pagpasok sa makabagong pamamahayag at mga oportunidad sa pagiging social media influencer at blogger na ipinaliwanag ni Ces Dimalanta.

Ipinaliwanag naman ni Atty. Marcelino Veloso III ang mga pamamaraan kung paano maaaring kumita ang mga social media practitioner sa pamamagitan ng kanilang mga gawain at kung ano ang dapat at hindi nila dapat gawin sa kanilang pag-uulat o sa kanilang video presentations.
Tinalakay naman ni Janvic Mateo, senior writer ng The Philippine STAR, kung papano maiiwasan ang pag-uulat ng mga balitang may maling impormasyon, ang journalistic code sa “plagiarism” at kung ano ang community journalism.

Dinagsag ng mga tanong si Mateo hinggil sa mga usapin ng plagiarism, fake news, maling pag-uulat at paggawa ng mga balita. Ipinaliwanag niya ang tamang pamamaraan kung papano ito maiiwasan ng mga mamamahayag, social media influencers at mga bloggers na nakaranas ng mga suliranin bilang communicator.
Pinagtulungan ding ipaliwanag nina Mateo at Veloso kung paano makakatulong ang artificial intelligence app na Chat GPT (generative pre-trained transformer) para mapadali ang trabaho ng mga mamahayag, social media influencers at bloggers.
Ang nagpasigla naman sa nasabing seminar ay nang ilahad ni Tony Lopez kung paano ang isang journo ay makakagawa ng kanyang sariling brand para maging markado at makilala sa industriya ng media.

Itinuro rin niya ang ilang sikreto kung paano makakakuha ng mga commercial advertisements sa mga negosyante na buong galak naman na pinakinggan ng mga dumalo sa nasabing seminar.
Ayon naman kaya Carmela Reyes- Estrope, Pangulo ng Central Luzon Media Association, “Very timely at malaking tulong, substantive information about AI, digital, new media/social media ang naibigay sa Bulacan and other media people. The vital and hard works of provncial correspondents in covering and reporting all fields in the provinces are recognized and given importance. Bulacan media were also given tips and guide on how to write business stories.”
Komento naman ni Fred Erick Silverio, dating pangulo ng Bulacan Press Club, “actually maganda siya para sa mga nananatili sa traditional media na hanggang sa ngayon ay hirap pa rin makasabay sa makabagong pamamaraan dulot ng digital forms o social media. Itong Ed Talk para sa katulad natin mamamahayag ay malaking tulong para makasabay at ma-improve ang ating kapasidad sa paggamit ng social media.”
Sinabi naman ng kasalukuyang Vice President ng Bulacan Press Club na si Manny Balbin na “Maganda ang isinagawang ED Talks ngayong 3rd time na sa Bulacan. Magagaling ang mga naging speakers especialy the veteran journo Tony Lopez. Malaki ang nadagdag sa aking kaalaman especially sa social media platform, application and others.
“Sobrang bilib ako sa utak nitong ED talks na sina Nate Barreto at Jon Hernandez. Nabigyan nila ng puwang at paglilinaw ang mga regional reporter sa mundo ng socmed.”
Photo: Mon Lazaro