Kalbaryo ni Lolo Nardo
Mike Manalaysay April 4, 2021 at 03:04 PM“Struggling to find a hospital for my lolo. His lungs are now filled with fluid and he needs immediate surgery. Any leads appreciated.” Isa ito sa tweet ni Jan-Daniel Belmonte noong Biyernes Santo, April 2, 9 PM.
Ang paghingi niya ng tulong na makahanap ng ospital ay para sa kanyang lolo na si Nardo Samson, 80 years old at positibo sa COVID-19.
Kinakabahan na raw ang kanilang pamilya sa mga oras na ito dahil sa patuloy na paglala ng sitwasyon ng kanyang Lolo Nardo.
“Nahihirapan na siyang huminga. Nagsabi siya na pagod na pagod na raw siya. Hindi na niya kaya,” kuwento ni Jan sa Arkipelago News.
March 25 nang mahawaan ng coronavirus si Lolo Nardo, isang retiradong pulis. Naninirahan siya sa Lungsod ng Valenzuela kasama ang isa niyang anak at ang asawa nitong pulis. Unang nagkaroon ng COVID-19 ang kanyang manugang na pulis at nahawa ang buong pamilya nito, pati na si Lolo Nardo at ang kanyang kabiyak.
March 28 nang dinala sila sa quarantine facility sa Gen. T. de leon High School sa lungsod ng Valenzuela. Nasa isang ambuvan (ambulance van) daw ang kanyang lolo sa loob ng quarantine facility. Doon ay nakaranas daw siya ng matinding stress, “Init na init siya sa quarantine facility. Kahit yung pagsuot ng mask nahihirapan siya dahil uncomfortable yung oxygen mask.”
Ang anak ni Lolo Nardo na may COVID din ang nagbabantay sa kanya. “Yung tita ko naman na may covid din hirap na hirap dahil kahit na dapat nagka-quarantine siya nandun siya, hindi sila makatulog, hindi sila makakain.”
Sa loob ng limang araw na pananatili niya rito, hindi raw makakain si Lolo Nardo, ayon kay Jan. Kapansin- pansin din daw ang pagsama ng kondisyon ni Lolo Nardo. “Mabagal na siyang kumilos, hirap na siyang igalaw ang kanyang legs, iritable na siya at hindi na nagsasalita. At later on after ilang days sa facility, talagang latang lata na siya nakahiga na lang.”
Biyernes Santo ng gabi, nag- aalala na raw sila sa nakikita nilang kalagayan ni Lolo Nardo. “Kagabi kabado na kaming lahat. Kahit yung nurse sinabihan kami na maghanda na raw dahil bumaba na ang oxygen saturation at malapit na siyang mawala.
“Umabot na sa point na ang lungs niya ay may tubig o fluid. At yung oxygen saturation niya ay bumaba na sa 40, 95 ang normal.”
Dito na raw sinabi ni Lolo Nardo na nahihirapan na siyang huminga, pagod na siya at hindi na niya kaya.
Delikado ang ganitong kalagayan lalo na para sa isang 80 years old. Kailangan nang madala sa ospital si Lolo Nardo sa lalong madaling panahon.
Nagtulong-tulong daw silang magkakamag-anak sa paghahanap ng mapagdadalhang ospital para sa lolong maysakit. Lahat na raw ng pagamutan sa Metro Manila at maging sa iba’t ibang probinsya tulad ng Zambales at Nueva Ecija ay natawagan na nila. Pero lahat daw ay tumanggi sa kanila dahil puno na rin ng mga pasyente ng coronavirus ang kanilang ospital.
Lalo raw silang natakot nang namatay ang kasama ni Lolo Nardo sa ambuvan.
Para palakasin ang loob ni Lolo Nardo, kinausap daw nila sa pamamagitan ng video call ang kanilang lolo, “Nakita namin na lumalaban si Lolo. Mahigpit ang hawak ng kamay ng lolo ko sa tita ko. Nag-iiyakan na ang mga tita ko.”
Inabot na raw sila ng madaling araw ng Sabado de Gloria sa paghahanap ng ospital pero nabigo silang makakita. Sa puntong ito nagpost si Jan ng kanyang mensahe sa Twitter, isang social networking site, para manghingi ng tulong.
May ilang netizen ang sumagot sa kanyang panawagan at nagbigay ng impormasyon kung saan maaring makakita ng bakanteng ospital. Ang ibang netizen naman, nagpost pa sa kanilang Facebook account ng mensahe ni Jan.
Umaga ng Sabado nang makatanggap sila ng tawag mula sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital sa lungsod ng Caloocan at nagsabing pwede nilang tanggapin si Lolo Nardo.
Pero may isa pang problema, hindi raw madala sa ospital si Lolo dahil walang ambulansya. Sabado, alas-onse ng umaga nang madala siya sa ospital.
Pero huli na ang lahat.
Comatose na si Lolo Nardo nang makarating sa pagamutan.
Labis ang kanilang lungkot sa nangyari kay lolo. Ayon kay Jan, hindi raw siya dapat na-comatose kung nagpatayo ang gobyerno ng mga pasilidad na pwedeng gamitin lalo na ng mga pasyenteng kritikal ang kondisyon.
“Kapabayaan na yun. Isang taon na ito bumalik tayo uli sa ECQ. May isang taon para magbuild ng temporary infrastructure, kung tent man yan na aircon na pwedeng gawing temporary facility. Ang dami ng oras para paghandaan ang ganitong sitwasyon… Ang dami na nating inutang, wala pa rin tayong mass testing, kulang pa rin sa mga facilities na kayang tumanggap ng Covid patients, at pagod na pagod na ang mga healthcare workers. Hindi maliit na bagay ang libu-libong mga taong nagkaka-Covid araw-araw.”
Hindi nag-iisa si Lolo Nardo sa may ganitong karanasan. Nitong mga nakaraang araw, ilang netizen ang nagkuwento ng kanilang hirap sa pagkuha ng pagamutan para sa mga kaanak nilang nasa delikadong kalagayan. Marami ang hindi pinalad. Namatay sila sa mga tent sa labas ng ospital o bago pa man makapasok sa mga emergency room.
Kasunod ng paglobo ng mga kaso ng COVID-19 ang pag-apaw ng mga pasyente sa mga ospital sa Metro Manila. Dahil dito, marami sa mga pasyente ay dinadala sa mga pagamutan sa karatig probinsya.
Para sa apo ni Lolo Nardo, marami raw sanang pwedeng magbago sa loob ng isang taon pero tila hindi naman daw nag-iba at patuloy lang daw ang paglala ng sitwasyon natin.
“Nabigyan na ng pagkakataon ang mga namuno sa pandemyang ito at oras nang aminin natin na palpak sila. Kailangan nang mamuno ng mga eksperto sa medical field, ang pandemya ay isang medical issue at hindi logistical lamang.”
Itabi muna sana ang mga pansariling interes at unahin ang kapakanan ng mga ordinaryong Pilipino,” dagdag pa ni Jan.
Noong April 3, inanunsyo ng gobyerno na extended hanggang April 11 ang enhanced community quarantine sa Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal. Ito’y matapos maitala sa magkasunod na araw ang pinakamataas na bilang ng kaso ng COVID-19. Noong April 2 at 3, naitala ang 15,310 at 12,576 na mga bagong kaso ng coronavirus. Tumaas sa bilang na 784,043 ang mga kumpirmadong kaso. 165,715 dito ay itinuturing na aktibo. Umabot naman sa 13,423 ang bilang ng mga namatay sa COVID-19.