Kaso ng dengue sa Region 3 bumaba, Bulacan may pinakamataas na insidente
Mon Lazaro August 30, 2023 at 04:30 PMCITY OF SAN FERNANDO, Pampanga – Bumaba ang kaso ng dengue sa Gitnang Luzon itong taon kumpara noong 2022.
Base sa Dengue Surveillance Update mula sa Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng Department of Health Central Luzon Center for Health Development, mayroong naitalang kaso ng dengue na 25,644 mula Enero 1 hanggang Agosto 5 noong 2022 kumpara sa 9,607 sa taong ito sa parehong panahon.
Naitala ang pinakamaraming kaso ng dengue sa taong kasalukuyan sa lalawigan ng Bulacan na mayroong 2,567 na sinundan ng Nueva Ecija 2,075; Pampanga 2,008; Tarlac 1,923; Bataan 456; Zambales 316; at Aurora 262.
Ayon pa kay DOH Entomologist III Jeffrey De Guzman, ang mga bilang ng mga namatay sa kaso ng dengue ay bumaba rin sa taon na ito na mayroong lang 28 kumpara sa 60 noong nakaraang taon.
Bumaba man ang kaso ng dengue sa Gitnang Luzon, patuloy pa rin ang paalala ng DOH na labanan ang pagdami ng mga kaso ng nasabing sakit na dulot ng kagat ng lamok sa pamamagitan ng 5S strategy.
Ito ay kinabibilangan ng “search and destroy potential mosquito-breeding sites; self-protection; seeking early consultation; staying hydrated; and supporting fogging activities only when there is an impending outbreak.”
Photo: Mon Lazaro