KOMENTARYO: Peligro ng stunted growth
Sonny Fernandez April 1, 2023 at 03:33 PMSeryoso at nakababahala ang report ng Department of Health nitong Miyerkoles March 29:
29.5% o isa sa bawat tatlong batang edad limang taon pababa, ang stunted o bansot.
Sinasalamin nito ang malalim na problema ng kakulangan sa masustansyang pagkain sa mga buntis, sanggol at bata.
Malalim, kasi, halos tatlong dekada ko nang naeengkwentro ang problema ng tamang pagkain sa mga sanggol at bata at stunted growth.
Ang mas malalim, mapanganib at nakakapangilabot pa riyan, apektado ng physical growth ang mental growth o cognitive development – pag-iisip at reasoning – ng mga bata hanggang sa paglaki.
Between 1995 and 1996, may ginawang dokumentaryo ang Probe Team tungkol sa stunted growth, ako bilang researcher at si Luchi Cruz Valdes ang reporter-host.
Sa abot ng naaalala ko, nag-partner ang University of San Carlos at isang multi-national infant milk corporation para pag-aralan ang growth and development ng mga sanggol mula nang ipanganak sila hanggang umabot sila ng 11 o 12 years old.
Ibig sabihin nagsimula ang study bandang 1983.
Saklaw ng pag-aaral ang libo-libong buntis sa Cebu hanggang manganak sila at palakihin ang mga bata.
Pinuntahan namin ang mga sakop ng pag-aaral sa syudad at maging sa kabundukan hanggang makita at makaharap namin ang mga bata at kanilang mga magulang.
Karamihan sa mga pamilya na aming nakausap ay sadyang mahihirap.
Lumabas sa pag-aaral na, nang lumaki ang mga sanggol – stunted o bansot o mababa sa average height ng 12 years old.
Inaral din ang kanilang mental development at lumabas na nabansot o mababa rin ang kanilang mental capacity na umintindi ng mga bagay-bagay.
Na-trace ang dahilan nito sa hindi masustansyang pagkain.
Nalaman sa pag-aaral na maagang bumitaw sa pagpapasuso o breastfeeding ang mga nanay.
Meron dyan pagkapanganak o hanggang tatlong buwan lang nag-breastfeeding tapos huminto na
Marami, ipinalit sa breastmilk ang “am” – ito yung kumulong tubig ng sinaing na bigas.
Alam ko ito dahil nung bata ako, mahilig din ako sa “am” at nilalagyan ko ng asukal para mas malasa.
Konti lang ang nagpasuso nang hanggang dalawang taon o higit pa.
Ayon sa United Nations Children’s Fund UNICEF, kritikal ang unang 1000 araw – mula pregnancy hanggang dalawang taon sa buhay ng bata – dahil ito ang kino-consider na “brain’s window of opportunity”.
Kumusta na ba ngayon ang height ng mga Pinoy?
May pag-aaral na ginawa dati ang Association of Southeast Asian Nations DNA na lumabas at huling updated nitong January 2023 sa hoodmwr.com – na second shortest ang mga Pinoy sa ASEAN region.
Sa study, ang height ng Pinay edad 20 at 39, ay 4 feet 11.7 inches nung 2003.
10 years later, bumaba ito sa 4 feet 6 in inches nung 2013..
Ang Pinoy naman sa parehong age range nung 2003 ay 5 feet 4.4 inches, pero bahagyang nabawasan sa 5 feet 4.2 inches pagdating ng 2013.
Babae man o lalaki, ang Pinoy ay bumansot pa sa loob ng 10 taon mula 2003 to 2013.
Sa kasukuyan o after another 10 years ngayong 2023, ang average Filipino height ay bumaba pa sa 5 feet 3.7 inches ayon sa World Population Review 2023.
Ibig sabihin, habang tumatagal, pabansot nang pabansot ang mga Pinoy.
Ayon sa Save the Children Foundation, noong 2015, merong 33 percent ng mga bata edas 5 pababa ang stunted growth.
Bagaman bumaba ang stunting incidence nung 2019, ayon sa World Bank, 29% ng mga bata o isa sa bawat tatlo o roughly 3.8 million ay bansot.
Sa East Asia at Pacific Region, panglima ang Pilipinas sa pinakamataas ang stunting prevalence habang pasok sa top 10 sa buong mundo.
Bihira lang ang maaaring nakapansin dahil kasagsagan ng pandemic nung June 2021, lumabas sa report ng WB na ang Pilipinas ay dumaranas ng isa pang pandemic – ang “silent pandemic” – ito ang stunted growth ng mga bata dahil sa kakulangan ng masustansyang pagkain.
Sinisisi ng WB ang micronutrient undernutrition sa mga sanggol, bata at buntis.
Sa Global Nutrition Report 2022, 28.8% ng mga batang Pinoy 5 taon pababa ang stunted, mas mataas ito sa Asia average na 21.8%.
Sa report ng Vera Files nung December 19, 2022, ipinaalala sa World Bank Philippine Economic Update (PEU) nung December 6, ang shocks mula sa pandemic ay nagdulot ng child malnutrition at stunting at nabawasan ang pagkakatuto ng mga estudyante.
Sa ulat pa rin ng Vera Files, nagbabala si WB Country Director for Brunei, Malaysia, Philippines at Thailand, Ndiame Diop:
“If unmitigated, these shocks can have persistent impacts on people’s well-being and can damage their future productivity and earnings.”
Sa balita ng ABS-CBN News nitong Miyerkoles, March 29, ayon kay Health OIC Rosario Vergeire, ang aksyon ng gobyerno ay umutang sa World Bank.
Umaasa sila Vergeire na mababawasan ang stunting incidence ng hanggang 8 percent sa pamamagitan ng Philippine Multi-sectoral Nutrition Project (PMNP) na popondohan ng P10B utang mula sa World Bank.
Sa balita naman ng GMA News Online nito ring March 29, ayon kay Vergeire, ang paglulunsad ng PMNP “offers a new beginning for innovations” na ikokonek sa iba pang pamamaraan.
Dagdag ni Vergeire, ipatutupad ang programa sa 235 local government units sa buong bansa at titiyaking magkakaron ng magandang resulta sa kalusugan at nutrition ng mga bata.
Na-curious ako, ano ba ang ginawa ng Duterte administration sa stunting incidence.
Lumalabas din na nag-apply ng loan ang Duterte admin para aksyunan ang problema.
Sa report ng Philippine Star, inanunsyo ng World Bank nung June 23, 2022 na inaprubahan nito ang loan na $178M o P9.7B, i-round off na natin sa P10B para rin sa 235 municipalities.
Tanong:
Kahit si Digong ang nag-apply ng loan, inaprubahan ito sa panahon na ni Marcos Jr., ito ba yung loan na sinasabi ni Vergeire?
Kasi nasa future tense ang pagkakasabi ni OIC kaya inisip ko uutangin pa lang?
Kung iba pa ito sa binabanggit ni Vergeire, nasaan na ito? Hindi pa ba nai-re-release ng WB?
Isa sa decisive factor para mag-succeed ang proyekto ay good governance.
Henerasyon ng mga susunod na Pilipino ang nakasalalay dito.
At hindi lang basta henerasyon kundi empowered na henerasyon.
Para kasi sa akin, ang halos tatlong dekada na problema sa stunting na inalarma ng DoH ay may iisang mensahe:
Kapag hindi naagapan ang incidence of stunting, malaki ang posibilidad na ang future generation ng mga Pinoy ay bansot at mahina ang utak.
Saang pansitan sila pupulutin?
Ayokong isipin na ang one-third ng henerasyon ngayon ay ganito na ang kondisyon.
Photo: Philippine Information Agency