Lala Sotto iginiit na hindi dapat gamitin laban sa kanya ang pagiging Sotto
Kassandra Mariano September 30, 2023 at 09:09 PM
Ibinasura ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang inihaing Motion for Reconsideration ng It’s Showtime kaugnay sa mga reklamong natanggap ng board mula sa mga manood ng programa.
Sa isinagawang press conference ng MTRCB kaugnay sa inilabas na desisyon sa It’s Showtime, sinabi nila na dapat daw na igalang ng noontime show ang opinyon ng publiko. Pinakikinggan lamang daw ng MTRCB ang reklamong inihahain ng mga manonood sa kanilang opisina at hindi ito dapat ipagwalang-bahala.
Binigyang diin din ni MTRCB Chairperson Lala Sotto na ginagawa niya lamang ang kaniyang trabaho ng patas. Nang matanong siya ng media sa isyu ng kaniyang pagiging isang Sotto, iginiit niya na labas ang kanyang trabaho sa pagiging anak ni Tito Sotto na isa sa kasalukuyang host ng EAT, ang kalabang programa ng It’s Showtime.
Ayon pa kay Lala, ipinagpapasalamat pa niya ang kaniyang pagiging Sotto dahil nauunawaan niya ang mundo ng TV.
“I truly believe that being a sotto or my fathers daughter should not be taken against me. Instead it should even be taken positively that I am someone who grew up in the industry. I am someone who loves the industry and understands the industry.”
Dagdag pa niya, “I really believe that we should respect others opinions. Also that’s their opinion, there’s nothing I can do. I’m just doing my job humbly and justly.”
Anumang oras ay maaari nang maganap ang 12 day suspension sa naturang noontime show.
Ngunit ilang oras matapos isapubliko ng MTRCB ang kanilang desisyon, naglabas naman ng statement ang It’s Showtime at sinabing patuloy pa rin silang maghahatid ng saya at inspirasyon sa Madlang People sa Kapamilya Channel, A2Z, at GTV dahil hindi pa umano pinal ang ipinataw na suspensiyon
Nagpahayag din sila ng pasasalamat sa mga patuloy na nagmamahal, sumusuporta at nanonood sa programa.
Photo: MTRCB FB