Lalaki arestado dahil sa pagwawala habang armado ng baril
Mike Manalaysay May 27, 2025 at 09:57 PM
SAN MIGUEL, Bulacan — Naaresto ng mga operatiba ng San Miguel Municipal Police Station ang isang lalaking lasing na nagwawala habang armado ng improvised na baril sa Barangay San Vicente, San Miguel, Bulacan, dakong alas-12:10 ng madaling araw nitong Mayo 27.
Ayon sa ulat na isinumite kay PCol. Franklin Estoro, Officer-in-Charge ng Bulacan Police, kinilala ang suspek na si alyas “Allan,” nasa hustong gulang at residente ng nasabing barangay. Batay sa paunang imbestigasyon, nakatanggap ng ulat ang San Miguel Municipal Police Station mula sa isang concerned citizen tungkol sa isang lalaking umano’y lasing at nagwawasiwas ng baril sa lugar. Agad na rumesponde ang pulisya ng San Miguel at naabutan ang suspek na nasa impluwensya ng alak.

Sa kabila ng kanyang pagwawala at paglaban sa mga pulis, naaresto siya at nakuha mula sa kanya ang isang baril na ngayon ay isinasailalim na sa pagsusuri.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at sa Omnibus Election Code dahil sa pagdadala ng baril sa panahon ng election gun ban. Nasa kustodiya siya ng San Miguel police para sa karampatang disposisyon.
📷 Bulacan PPO