Libo-libong Calumpiteño, nakiisa sa iba’t ibang aktibidad para sa ika-454 anibersaryo ng Calumpit
Angelo Calixtro March 25, 2026 at 05:26 PM
CALUMPIT, BULACAN — Naging masaya at puno ng sigla ang isinagawang Calum-Fit Town Run at Grand Zumba sa huling araw ng pagdiriwang ng ika-454 na anibersaryo ng Calumpit, kasabay ng 4th Calumpit Longganisa Festival.
Dumalo at aktibong nakiisa ang mga residente o Calumpiteño sa nasabing aktibidad na naglalayong itaguyod ang kalusugan, kasiyahan, at pagkakaisa sa komunidad.
Sa pamamagitan ng sabayang pagtakbo at pagsasayaw, ipinamalas ng mga kalahok ang kanilang suporta sa isang malusog na pamumuhay.
Sa pangunguna ni Mayor Lem Faustino, patuloy na isinusulong ng lokal na pamahalaan ang mga programang nakatuon hindi lamang sa pagpapatibay ng pagkakaisa kundi pati na rin sa kalusugan at kapakanan ng bawat mamamayan.
Ayon sa pamahalaang bayan, ang mataas na partisipasyon ng publiko ay patunay ng dedikasyon ng mga Calumpiteño sa pagpapanatili ng aktibong pamumuhay at malasakit sa kapwa.
Nagpasalamat naman ang lokal na pamahalaan sa lahat ng nakiisa sa aktibidad, at hinikayat ang patuloy na pakikilahok sa mga programang nagtataguyod ng sigla, pagkakaisa, at pagmamalaki bilang mga mamamayan ng Calumpit.
📷 Lem Faustino FB