Lokal na Pamahalaan ng Pasig inihatid sa mga bahay ang ayuda
Cristine Cabanizas April 10, 2021 at 03:05 PM
Iba ang istilo ng pamimigay ng ayuda sa Pasig. Imbis na ang mga beneficiary ang papuntahin sa city hall at iba pang lugar, sila ang pinuntahan ng mga empleyado ng city hall para bigyan ng cash na ayuda.
Isang libong piso kada tao hanggang apat na libong piso kada pamilya na may apat na miyembro pataas ang maaaring matanggap ng mga residente habang nasa loob sila ng kani-kanilang bahay.
Ganito raw ang naisip na paraan ng Lungsod ng Pasig para maging ligtas at para maiwasan ang mahahabang pila at pagtitipon ng mga tao na kadalasang nagiging sanhi ng pagkalat ng coronavirus.
Tila natuto na ang mga namumuno sa Pasig sa naging karanasan sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila na dinagsa ng mga taong kukuha ng ayuda.
Sa mga pangyayaring ito, mapapansin na hindi nasunod ang ilan sa protocol tulad ng social distancing.

Ayon sa Facebook post ni Mayor Vico Sotto, apatnapung team ang kanilang binuo para maglibot at magpamahagi ng ayuda sa tahanan ng mga Pasigueño na kabilang sa tinatawag na “pocket of poverty” o mga pamilyang may mababang kita at mas nangangailangan.
Kasama ang pamilya ni Maria Veronica Rubio, ng Barangay Dela Paz, sa nakatanggap ng apat na libong pisong ayuda. Tatlo ang anak ni Veronica na puro mga bata pa. Kapapanganak lang din niya noong isang buwan. Laking pasasalamat daw niya sa natanggap na tulong dahil malaking bagay raw ito lalo na at wala siyang trabaho, at umeextra lang sa construction site ang kanyang asawa.
Sa pang-araw-araw na pangangailangan daw mapupunta ang natanggap nilang ayuda, “Ibibili ko po ng pagkain namin at diaper ng anak ko lalo na po ngayon wala namang trabaho ang asawa ko dahil sa pandemic.”
Paliwanag pa ng LGU, nakatanggap sila ng 681,743,000 mula sa national government. Nangangahulungan daw ito na 681,743 na indibidwal lamang ang makakatanggap ng cash aid sa Pasig.
Dahil dito, humihingi ng paumanhin at ipinaliwanag ng Pamahalaang Lungsod na hindi lahat ay makakatanggap ng ayuda.
Nagdesisyon din daw ang LGU na huwag nang ianunsyo ang house-to-house na pamimigay para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao. Bukod dito, maaari rin daw makuha ang cash na ayuda sa pamamagitan ng Paymaya.
Nilinaw rin ni Mayor Sotto na wala raw perpektong paraan ng distribusyon ng ayuda pero sisikapin daw ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig na gawing mas ligtas at mas mabilis ang pamamahagi nito.
Photo courtesy: Pasig City Public Information Office