Mangangalakal ng karne ng aso naaresto sa bayan ng San Ildefonso
Mon Lazaro June 7, 2023 at 04:01 PM
CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Isang mangangalakal ng karne ng aso ang naaresto sa bayan ng San Ildefonso nitong nakaraang araw ng Lunes.
Base sa ulat na nakarating kay. Col. Relly Arnedo, Bulacan police director, nakilala ang naaresto na si Joelito Barra, residente ng Purok 6, Barangay Pala-Pala sa nasabing bayan.
Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na nakipag-ugnayan ang Animal Kingdom Foundation Inc. sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group Bulacan Field Unit tungkol sa iligal na gawain ng suspek. Isinailalim ang suspek sa isang entrapment operation sa Valmocena Street, Barangay Pinaod, San Ildefonso.
Naging matagumpay naman ang entrapment operation at nakumpiska kay Barra ang tatlong buhay na aso, isang patay na aso at ang ginamit na pera sa buy-bust operation.
Inilagay siya sa pangangalaga ng CIDG Bulacan detention facility at nahaharap sa paglabag sa mga probisyon ng Animal Welfare Act of 2007 at Anti-Rabbies Act of 2007.
Ang mga aso naman ay inilagay sa pangangalaga ng Animal Kingdom Foundation Inc.
Photo: Bulacan Police Provincial Office