Marilao police, inilunsad ang Project MAGINOO para sa mas ligtas na komunidad
Angelo Calixtro February 25, 2026 at 06:13 PM
MARILAO, Bulacan — Pormal na inilunsad ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Marilao police ang Project MAGINOO noong Pebrero 24 bilang unang hakbang sa pagsusulong ng mas ligtas at mas inklusibong kapaligiran para sa kababaihan at kabataan.
Layunin ng proyekto na palakasin ang kamalayan ng komunidad hinggil sa karapatan ng kababaihan at mga bata, itaguyod ang kultura ng paggalang, at hikayatin ang mas aktibong pakikilahok ng kalalakihan sa pagprotekta laban sa anumang uri ng pang-aabuso at karahasan.
Pinangunahan ni Marilao Mayor Jem Sy ang pledge of commitment ng mga lalaking kalahok, bilang simbolo ng kanilang suporta at pakikiisa sa adhikain ng programa.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Jem Sy ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng pamahalaan at komunidad upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng bawat sektor, lalo na ng kababaihan at kabataan.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga youth leaders, kinatawan ng iba’t ibang organisasyon sa komunidad, at mga partner stakeholders, na nagpahayag ng kanilang paninindigan para sa isang mapayapa at ligtas na Marilao.
Ang Project MAGINOO ay bahagi ng patuloy na kampanya ng WCPD Marilao na palakasin ang ugnayan sa komunidad at itaguyod ang responsableng mamamayan, sa paniniwalang ang tunay na lakas ng isang bayan ay nagmumula sa paggalang at pagprotekta sa bawat isa.
📷 MarileNews