Maynilad naglabas ng listahan ng mga lugar sa Caloocan na mawawalan ng tubig
Mike Manalaysay July 13, 2023 at 04:33 PMInanunsyo ng Maynilad na simula sa July 12, magkakaroon ng “daily water service interruptions” sa ilang lugar sa Lungsod ng Caloocan. Naglabas ang kumpanya ng listahan ng mga apektadong lugar pati na kung anong oras mawawalan ng tubig.
Ayon pa sa Maynilad, binawasan ang alokasyon ng tubig para sa MWSS dahil bumaba sa minimum operating level na 180 meters ang lebel ng tubig sa Angat dam. Ang dam na ito ang pangunahing pinagkukunan ng tubig inumin para sa Metro Manila. Ang Maynilad ay pinapangasiwaan ng MWSS Regulatory Office.
Isasagawa ang pagrarasyon ng tubig para makatipid lalo na’t mararanasan ang epekto ng El Niño sa mga susunod na buwan. Nangangahulugan din na mas mababa ang supply ng tubig na matatanggap ng Maynilad.
Pinapayuhan ang mga apektadong residente na mag-ipon ng tubig sa malinis at may takip na containers.
Ipinaliwanag ng Maynilad na normal na epekto ng water interruption ang discoloration ng tubig kapag nagbalik ang water sevice. Nangyayari ito dahil sumasama sa tubig ang mineral deposit na nasa pipelines.
“When this happens, let the water flow out briefly until it clears but use the initial flow of water for non-drinking purposes, such as for flushing toilets, to avoid wastage,” ayon sa Maynilad.
Nananawagan din ang Maynilad na magtipid sa tupid sa pamamagitan ng responsableng paggamit nito.
Bukod sa Caloocan, mawawalan din ng tubig ang ilang lugar sa iba pang lungsod sa Kalakhang Maynila tulad ng Malabon, Navotas, Valenzuela, Quezon City, at Maynila. Hindi nabanggit sa pahayag kung hanggang kailan tatagal ang service interruption.
Photo: Maynilad