Mayor Jonjon Villanueva patuloy sa pagbibigay ng tulong sa mga nasunugan sa Sitio Bihunan, Brgy. Biñang 1st
Mike Manalaysay March 7, 2024 at 04:52 PM
BOCAUE, Bulacan– Pinuntahan ni Bocaue Mayor Eduardo “Jonjon” Villanueva Jr. ang mga naging biktima ng sunog sa Sitio Bihunan sa Barangay Biñang 1st sa bayang ito para dalhan ng pagkain at inspeksyunin ang naging pinsala ng sunog. Sumiklab ang sunog sa sitio nitong March 2.

Nagpamahagi ang punong bayan ng mga pagkain tulad ng bigas at de lata sa mga naging biktima ng sunog.
“Inuna po natin ang pagdadala ng pagkain para may mapagsaluhan ang mga nasunugan sa mga susunod na araw. Isa po ito sa unang unang kailangan nila,” kuwento ng alkalde sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN.

Nag-ikot din si Mayor Villanueva at nakipag-usap sa mga taga-sitio para ipaabot ang kaniyang pakikiramay sa mga nawalan ng tahanan. Inalam din niya kung ano ang kanilang mga kahilingan.
“Nalaman natin sa pakikipag-usap sa kanila na ang pangunahing pangangailangan nila ay damit, pagkain, toiletries, at construction materials para muli nilang maitayo ang kanilang mga bahay,” paliwanag ni Mayor Villanueva.
“Sinabihan ko rin ang mga nasunugan na maaari silang mag-apply sa Pabahay sa Bocaue na kasalukuyang ginagawa sa Barangay Batia,” dagdag pa niya.

Naitayo na ang una hanggang ikatlong palapag ng condominium at kasalukuyan nang ginagawa ang 4th floor nito. Ang Pabahay sa Bocaue ang isa sa pangunahing proyekto ni Mayor Jonjon Villanueva na naglalayong mabigyan ng maayos na bahay ang mga walang tahanan at mga naninirahan sa mga delikadong lugar tulad ng malapit sa ilog.
Ikalawang araw ng pagbibigay ng tulong
Kinabukasan, tinupad ng punong bayan ang kanyang pangako at muli siyang nagpamahagi ng tulong. Personal na ipinagkaloob ni Mayor Jonjon Villanueva ang mga kahoy at iba pang materyales na magaggamit sa pagtatayo ng mga bahay. Nagbigay rin siya ng cash assistance.

Namigay rin siya ng mga bigas, delata, tubig, noodles, at iba pang pagkain. Mayroon ding mga damit, hygiene kit na nasa timba at may lamang sabong panligo, toothpaste, sabong panlaba, at iba pa.
“Makakaasa ang mga naging biktima ng sunog na patuloy silang aalalayan ng ating Pamahalaang Bayan hanggang tuluyan silang makabangon mula sa pangyayaring ito,” pagtitiyak ng punong bayan.
📷: Office of Mayor Jonjon Villanueva