Mayor Jonjon Villanueva naglaan ng ₱100,000 na pabuya para sa makakapagbigay ng impormasyon sa suspek sa pagpatay sa mga pulis Bocaue
Mike Manalaysay March 10, 2025 at 04:34 PM
“Hindi natin palalagpasin ang kawalang-katarungan ng kanilang sinapit.”
Nag-alok si Bocaue Mayor Eduardo “Jonjon” Villanueva ng ₱100,000 na pabuya sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon o makakatulong sa paghuli sa suspek na responsable sa pagpatay sa dalawang pulis Bocaue noong Sabado.
Nasawi ang mga biktimang sina S/Sgts. Dennis Cudiamat at Gian George dela Cruz, mga intelligence operative ng Bocaue Police, habang isinasagawa ang isang operasyon laban sa iligal na baril sa Barangay Tambubong, Bocaue noong Marso 8. Dead on the spot si Cudiamat dahil sa tama ng bala sa ulo. Itinakbo naman sa Dr. Yanga Hospital si dela Cruz at binawian ng buhay dakong 3:20 p.m.
Ayon kay Mayor Villanueva, hindi dapat manatiling malaya ang mga nasa likod ng krimeng ito.
“Mariin kong kinokondena ang brutal na pagpaslang sa ating magigiting na pulis. Nag-alay sila ng kanilang buhay sa pagsisilbi sa bayan, at hindi natin palalagpasin ang kawalang-katarungan ng kanilang sinapit,” pahayag ng alkalde.
Tiniyak din ni Mayor Villanueva na patuloy siyang makikipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanagot ang may sala. “Sisiguraduhin kong mapapanagot ang mga nasa likod ng krimeng ito. Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin nakakamit ang hustisya para sa ating mga bayaning pulis at kanilang pamilya.”
Hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang publiko na makipagtulungan sa pulisya upang mapabilis ang imbestigasyon at matiyak na hindi na mauulit ang ganitong uri ng karahasan sa bayan. “Kung mayroon kayong impormasyon, huwag kayong mag-atubiling makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya,” panawagan ni Mayor Villanueva.
Ipinapaabot din ni Mayor Villanueva ang kanyang taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi at nanawagan ng panalangin para sa kanilang katatagan. “Ipagdasal natin na bigyan sila ng Panginoong Diyos ng lakas sa kanilang pinagdadaanan,” aniya.
Sa isinagawang hot-pursuit operation, naaresto ang isa sa mga suspek na kinilala lamang sa alyas “Dado”, 38 taong gulang at residente ng Barangay Bunsuran, Pandi, Bulacan. Sa lugar din na ito siya nahuli. Patuloy naman ang isinasagawang manhunt operation sa isa pang suspek na si alyas “Athan.”
Para sa mga may mahalagang impormasyon hinggil sa kaso, maaaring makipag-ugnayan sa Bocaue Police Station sa numerong 0998 598 53 76
📷 Office of Mayor Jonjon Villanueva