Mayor ng San Miguel kinasuhan ng cyberlibel ang isang dating konsehal at isang negosyante
Mon Lazaro January 12, 2024 at 03:34 PMLUNGSOD NG MALOLOS — Sinampahan ng kasong cyberlibel sa Bulacan Provincial Prosecutors Office nitong araw ng Huwebes (January 12) ni San Miguel Mayor Roderick Tiongson ang isang dating konsehal sa kanilang bayan at isang babaeng negosyante.
Ang mga inakusahan ng kasong cyberlibel ay ang dating konsehal ng bayan at dating kapitan ng barangay na si Melvin Santos, residente ng Barangay Camias. Haharapin niya ang five counts ng cyberlibel. Kinasuhan naman ng 12 counts of cyberlibel ang negosyante na si Mary Grace de Leon na residente ng Guillerma Subdivision, Barangay Sta. Ritang Matanda.
Sa inilabas na pahayag ni Mayor Roderick Tiongson, sinabi niya na nag-ugat ang reklamo kina Santos at de Leon dahil sa mga serye ng social media posts at isinagawang Facebook live ng dalawa na diumano’y umaatake sa personal na pagkatao niya gaya aniya ng mga bintang ng pagnanakaw sa kaban ng bayan, pagpatay ng tao, imoralidad at pangmomolestya sa kalalakihan.
Ayon kay Tiongson, naniniwala siya na ang isang indibidwal kapag pumasok sa pulitika o gobyerno, maging halal o hinirang, ay hindi dapat na balat-sibuyas at dapat maging bukas sa lahat ng pagpuna at pagtuligsa sa kanyang panunungkulan.
Pero aniya, ang malayang pamamahayag ay may limitasyon at kung ito ay ginagawa upang siraan at yurakan lang ang dangal ng isang tao ng walang batayan ay dapat na itong bigyan ng karampatang parusa ng naaayon sa batas.
Dahil dito sinabi ni Tiongson na napilitan siyang maghain ng kaso laban kina Santos at de Leon dahil mismong ang mga nakakabasa at nakakapanood ng mga diumano’y malisyosong pahayag ang makapagsasabi na inabuso ng dalawa ang karapatan sa pamamahayag. Nag-iimbita pa umano ang dalawa na sila ay panoorin sa pamamagitan ng pagpapa-raffle ng mga premyo sa social media.
“Ako ay naniniwala sa due process of law at sa aking paghahabla ay dito nila patunayan ang kanilang mga walang humpay na paninira sa akin at ako ay nananalig na mananaig ang katarungan laban sa mga abusado sa pamamahayag na gaya nina Santos at De Leon at ito ay simula pa lang ng mga kasong isasampa ko laban sa kanila.” dagdag pa ni Tiongson.
Saad naman ni Santos sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN, “Ipinahayag ko lang po ang damdamin ng pagkadismaya ko bilang mamamayan sa nakikitang nangyayari sa bayan namin. Mga katiwalian, pagkalbo sa kabundukan at pang-aabuso sa kapangyarihan. Karapatan naman po nya magsampa ng demanda pero huwag po nya kalimutan na may malayang karapatan din po ako ipahayag ang aking damdamin. Haharapin po ng mga abogado ko ang mga akusasyon laban sa akin.”
Photo: Mon Lazaro