Mga OFW na residente ng Caloocan, binigyan ng tulong pinansyal
Ace Cruz July 9, 2021 at 03:04 PMNakatanggap ng tulong pinansyal ang labing-anim na nagbalik-bansang OFW na mga residente ng Caloocan.
Sa inilabas ng abiso ng lokal na pamahalaan ng Caloocan, isinakatuparan ito sa pamamagitan ng ‘Balik Pinas! Balik Hanapbuhay’ program ng Department of Labor, OWWA at ng public employment service office ng lungsod.
Ang cash assistance na natanggap ng mga nagbalik na OFW ay aabot sa ?30,000 at maaari nilang gamitin sa pagsisimula ng kani-kanilang hanapbuhay.
Ayon kay Caloocan City 1st District Congressman Along Malapitan, batid niya ang hirap at sakripisyo ng bawat OFW na pinipiling mangibang bansa para masuportahan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya lalo na sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Batid po natin ang hirap na malayo sa ating mga pamilya para matustusan ang kanilang pangangailangan. Nagpapasalamat po tayo sa ating DOLE at OWWA sa pagtanaw dito at pagbibigay ng oportunidad sa ating mga kababayan,” ayon kay Congressman Malapitan.
Bukod dito ay nangako rin si Labor Secretary Silvestre Bello III ng isandaang bisikleta at load para makahikayat sa mga residente ng lungsod na magpaturok na ng bakuna kontra COVID-19.
“Simula July 1, ang mga makakakumpleto ng second dose ay may pagkakataong magkamit ng bike na mayroong bag na may kasamang cellphone na may ?5,000 load,” ani Secretary Bello.
Kasunod nito ay nagpaabot ng pasasalamat ang isa sa mga nakatanggap ng cash assistance mula sa iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan at sa lokal na pamahalaan ng Caloocan.

Ayon kay Rossana Asne, dating OFW sa Taiwan at residente ng Barangay 176, lubos siyang nagpapasalamat sa kanyang natanggap na tulong dahil pareho silang walang trabaho ng kanyang asawa.
“Nagpapasalamat po ako kasi malaking tulong ito sa akin, nawalan kami ng trabaho ng asawa ko. Ipang nenegosyo ko po itong tulong mula sa DOLE at sa pamahalaan,” pahayag ni Rossana.
Nagpasalamat din si Caloocan Mayor Oca Malapitan sa mga nakatuwang na ahensya ng pamahalaan na nagbigay ng tulong sa mga nagbalik bayan na OFW na pawang mga residente ng lungsod.
Photo courtesy of Cong. Along Malapitan FB Page and Mayor Oca Malapitan Fb Page