| Contact Us

Modernong MoCCov disaster response technology inilunsad ng DOST sa Caloocan

Reggie Vizmanos January 24, 2024 at 03:17 PM

Inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) sa Caloocan ang modernong teknolohiya sa pagtugon sa mga kalamidad, na tinatawag na Mobile Command and Control Vehicle with Triage Technology (MoCCov).

Ang Caloocan ang unang lungsod sa Metro Manila na pinagkalooban ng MoCCov bagamat susunod na ring magkakaroon nito ang mga lungsod ng Muntinlupa, Pasig at Taguig.

Ang turnover nito sa lokal na pamahalaan ay pinangunahan ni DOST Secretary Renato Solidum kasama sina DOST Undersecretary for Regional Operations Sancho Mabborang at DOST-NCR Regional Director Engr. Romelen Tresvalles, at pormal itong tinanggap nina Congressman Oca Malapitan (1st District), City Administrator Aurora Ciego na kumatawan kay Mayor Along Malapitan at Dr. James Lao na pinuno ng Caloocan Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).

Ginanap ang seremonya sa Caloocan City Sports Center.

Ayon kay Solidum, ang MoCCov ay inaasahang makakatulong ng malaki sa mabilisang pagresponde bago at pagkatapos ng kalamidad.

Ito aniya ay mayroong weather monitoring station, rescue quadcopter drone, global satellite communication at surveillance equipment, at rescue and medical equipment.

Mayroon din itong portable boat na maaaring magamit sa rescue operation, gayundin bilang conference room at mobile command center ng emergency responders.

At kahit mawalan ng supply ng kuryente sa partikular na lugar ng kalamidad ay epektibo pa rin itong magagamit dahil mayroon itong solar and wind power supply system.

Ang MoCCov ay likha ng Pilipinong imbentor na si Ginoong Dennis Abella, at itinanghal ito sa 2023 Handa Pilipinas: Innovations in Disaster Risk Reduction and Management Exposition.

Ito ay isa sa mga produkto ng DOST sa ilalim ng Community Empowerment through Science and Technology (CEST) program nito.

Ipinagkaloob ito sa Caloocan bilang bahagi ng ibayong pagpapalakas sa kapasidad ng lungsod sa ilalim ng konseptong Smart and Sustainable Caloocan City.

Ayon pa kay Solidum, ang paglulunsad ng MoCCov technology ay nakabase sa programa ng pamahalaan na pagpapalakas ng kakayahan ng mga lokal na pamahalaan at mga komunidad sa pagtugon sa mga kalamidad.

Dagdag pa niya, “Nung 2022, ay umabot sa 30 bilyong piso ang halaga ng naging epekto ng mga kalamidad sa ating ekonomiya. Ito ay dahil sa damage sa imprastraktura, mga kalsada, tulay, gusali, mga bahay, at sa agrikultura. Hindi pa natin isinasama rito yung hindi masusukat ng pera ang halaga, ang buhay ng tao. Pero may magagawa naman upang tayo ay hind imaging biktima sa mga kalamidad. I believe that through science, technology and innovations, we can become victors, and not victims, over disasters.”

Ikinatuwa rin ni Congressman Oca Malapitan ang natanggap na equipment.

“Napakalaking tulong nito para sa pamahalaang lungsod ng Caloocan lalo na sa ating CDRRMO upang maging mas mabilis ang pagtugon sa mga lubhang nangangailangan ng tulong sa panahon ng sakuna. Ang Caloocan ay mayroong 1.7 milyong populasyon kaya sinisiguro namin na handa ang atng mga komunidad kung sakaling bibisitahin ng kalamidad.”

Ipinagmalaki niya na ang mga hakbangin ng Caloocan LGU sa paghahanda sa pagtugon sa kalamidad ay ginawaran ng mataas na pagkilala ng National DRRM Council (NDRRMC) at ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Sabi pa ni Cong. Malapitan, “Naniniwala ako sa papel ng siyensiya at teknolohiya tungo sa pagtitiyak na mas ligtas at matatag ang mga komunidad sa panahon ng sakuna.”

Photo: DOST FB

Array
Facebook Notice for EU! You need to login to view and post FB Comments!
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 21 Last