PDEA nasabat ang mahigit ₱1 bilyong halaga ng shabu sa Angeles City
Mike Manalaysay May 27, 2025 at 08:47 PM
ANGELES CITY, Pampanga — Isang malaking tagumpay laban sa ilegal na droga ang naitala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos makasamsam ng mahigit ₱1 bilyong halaga ng shabu sa isang abandonadong bahay sa Barangay Pampang, Angeles City, noong Mayo 26, 2025.
Sa bisa ng search warrant, sinalakay ng pinagsamang puwersa ng PDEA Intelligence Service, PDEA Regional Offices NCR at Region III, katuwang ang AFP Counterintelligence Group, National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at Philippine National Police, ang isang bahay sa Timog Hills Subdivision. Natagpuan doon ang 155 transparent plastic bags na naglalaman ng tinatayang 155 kilo ng shabu na may kabuuang halaga na ₱1,054,000,000.00.
Ayon kay PDEA Director General Isagani Nerez, abandonado ang nasabing bahay at hindi rin naabutan ang target ng operasyon na isang Chinese national. Kasalukuyan siyang pinaghahanap ng awtoridad. Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ipinaliwanag ni Undersecretary Nerez na ang operasyon ay resulta ng masusing imbestigasyon at pagtutok sa mga indibidwal na konektado sa sindikato ng droga. Mas pinaigting din ng PDEA ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga sa lahat ng antas ng lipunan.
Patuloy na hinihikayat ng PDEA ang publiko na makipagtulungan sa kanilang kampanya kontra droga sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa mga ilegal na aktibidad sa ilalim ng programang Operation: Private Eye (OPE).
📷 PDEA