Piolo Pascual, bibida sa horror movie na ‘Mallari’, ang paring serial killer
Arkipelago News April 28, 2023 at 06:22 PM EntertainmentGaganap si Piolo Pascual bilang paring serial killer sa horror movie na ‘Mallari’. Tungkol ito sa buhay ng Pilipinong pari na si Fr. Juan Severino Mallari, kura paroko ng Magalang, Pampanga noong panahon ng Kastila. Nahatulan siyang nagkasala sa pagpatay ng 57 katao sa loob ng kanyang sampung taong panunungkulan mula 1816 hanggang 1826. Ito ang nag-iisang dokumentadong kaso ng serial killing sa Pilipinas.
Ididirek ang pelikula ng multi-awarded director na si Derick Cabrido. Nagustuhan ni Piolo na gawin ang horror movie dahil ngayon lang niya gagampanan ang tatlong karakter sa isang pelikula na iikot sa panahon ng Kastila, taon pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig (WW2) at kasalukuyang panahon.
Misteryoso talaga ang kuwento ni Fr. Mallari. Ayon sa mga tala, nananalig umano ang pari na ang ginagawa niyang pagpaslang sa kanyang mga biktima ang makakagamot sa karamdaman ng kanyang nanay na pinaniniwalaan niyang kinukulam. Wala naman sa record kung paano niya pinipili ang kanyang mga biktima at kung paano niya isinasagawa ang pagpatay.
Ipinanganak sa San Nicolas, Pampanga si Fr. Mallari. Nagtapos siya ng kursong Theology sa University of Sto. Tomas at naging pari noong 1809. Sinubukan niyang mag-aplay bilang kura paroko sa ilang lalawigan pero palagi siyang hindi nakakapasa. Hanggang noong 1816, itinalaga siya bilang parish priest ng Magalang, Pampanga. Hindi ito pangkaraniwan sa panahong mga paring Kastila ang namumuno sa Simbahang Katoliko. Sa panahon ding ito nagkasakit ang kanyang nanay at sinubukan siyang gamutin ni Fr. Mallari sa pamamagitan ng pagpatay.
Natigil ang krimen ni Fr. Mallari nang siya ay magkasakit noong 1826. Dinalaw siya ng isang pari sa kanyang tahanan at natuklasan doon ang mga kagamitan ng kanyang mga naging biktima. Nakulong siya sa loob ng labing-apat na taon at hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng hanging o pagbitay noong 1840.
Photo: Piolo Pascual IG