Posibleng medicinal cannabis production facility sa Guiguinto, Bulacan binisita
Mon Lazaro June 17, 2023 at 05:08 PM
Binisita ng mga stakeholders noong June 14 ang isa sa posibleng pasilidad para sa pagproseso ng medicinal cannabis kapag ito ay naisabatas na.
Kabilang sa mga bumisita sa pasilidad ng Bauertek Corp. sa bayan na ito ay si Congressman Robert Ace Barbers, chairperson ng House Committee on Dangerous Drugs, Asec. Randy Pedroso, director ng Philippine Drug Enforcement Agency Laboratory; Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care director general Dr. Annabelle Pabiona de Guzman; mga kinatawan ng Indian Embassy, at mga opisyal ng Indian Ministry of Ayush na responsable naman sa developing education, research at propagation ng traditional medicines system.
Kinumpirma ni Barbers na patuloy ang kanilang committee sa pagdinig tungkol sa panukalang medicinal canabis at nakagawa na sila ng technical working group na makakapagbigay sa kanila ng mga position papers ng ibat-ibang ahensya para makapagbigay sa kanila ng gabay bago nila gawing final ang kanilang proposed legislation.

Aniya, kapag tuluyang naipasa ang nasabing panukala at naisabatas na ito, mangangailangan ng istriktong pagpapatupad ng mga regulasyon para sa produksiyon ng medicinal cannabis.
Ipinaliwanag pa ni Barbers na dalawa ang inihain na panukalang bataspara sa paggamit ng cannabis: ang isa ay para sa medicinal use na nasa ilalim ngayon ng House Committee on Health at ang panukalang delisting o decriminalizing ng cannabis na nasa ilalim naman ng House Committee on Dangerous Drugs.
Ayon pa kay Barbers, ipinanukala rin niya na ang dalawang nabanggit na komite ay gumawa na lamang ng isang cannabis bill para mas madali aniyang maipaliwanag sa mga kapwa nila mambabatas ang kahalagahan nito at maipasa ang nasabing panukalang batas.

Sinabi naman ni Richard Nixon Gomez, isang scientist, inventor at general manager ng Bauertek Corp., na ang kanilang pasilidad ay aprubado ng Food and Drugs Administration o FDA at may isolation and extraction capabilities para mag-manufacture ng mga gamot, supplements at cosmetics para sa medical cannabis.
Samantala, umaasa naman ang mga stakeholders na maipapasa ng Kongreso sa malapit na hinaharap ang panukalang batas para sa pagggamit ng medicinal cannabis sa bansa.