Pulis sinagasaan ng riding in tandem sa Bulacan
Mon Lazaro August 22, 2023 at 01:23 PMCAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Isang pulis ang nasugatan ng sinagasaan siya ng riding in tandem sa bayan ng San Ildefonso nitong nakalipas na araw ng Linggo.
Ayon sa ulat na nakarating kay Col. Relly Arnedo, Bulacan police director, kinilala ang biktima na si Cpl. Kennedy Geneta na nakadetalye sa San Ildefonso Police Station at ang mga suspek na sina John Paul Redupla at Jay-ar Reyes.
Base sa inisyal na imbestigasyon idineploy ang biktima kasama ang pito pa na iba pang pulis sa Isang checkpoint sa harapan ng barangay hall ng Maasim sa bayan ng San Ildefonso noong Linggo ng gabi.
Bandang 11:55 pm dumaan sa police checkpoint ang mga suspek na lulan ng kulay itim at orange na motorsiklo na SYM Bunos X na may plaka na 211WCB na minamaneho ni Redupla.
Pinara ni Geneta ang mga suspek ngunit imbis na huminto ay sinagasaan pa nila ang mga biktima.
Dahil dito ay mabilis na tinugis ng mga kasamahan ni Geneta ang mga suspek hanggang sa sila ay maaresto. Ang biktima naman ay isinugod sa San Miguel District Hospital sa kalapit na bayan ng San Miguel para magamot ang tinamo niyang pinsala sa kanyang paa.
Photo: Bulacan PNP