Rumaragasang baha, nilubog ang mga kabahayan sa Gigmoto, Catanduanes
Jan-rey Asotes January 17, 2026 at 11:01 PM
GIGMOTO, Catanduanes — Nilubog ng rumaragasang baha ang ilang kabahayan sa Barangay Dororian matapos ang walang tigil na pag-ulan na dulot ng Bagyong Ada ngayong Sabado, Enero 17.
Nagsimula ang malakas na buhos ng ulan dakong alas-3:00 ng madaling araw na nagresulta sa pag-apaw ng ilog. Ayon sa ulat ng awtoridad, naging sanhi rin ng pagbaha ang pagkakaroon ng landslide na bumara sa daloy ng tubig sa nasabing barangay. Sa mga nakunang video ng ilang residente, makikita ang malakas na agos ng tubig na pumasok sa loob ng mga bahay at nanalasa sa mga kalsada.
Agad namang lumikas ang mga pamilyang nakatira malapit sa ilog para sa kanilang seguridad. Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Gigmoto, nasa halos 30 pamilya na ang nailikas sa buong bayan habang patuloy ang kanilang monitoring sa sitwasyon.
Sa huling ulat ng mga awtoridad kaninang umaga, humupa na ang baha sa nasabing lugar ngunit nananatiling alerto ang mga residente sa posibleng muling pag-ulan.
📷 Gigmoto Municipal Police Station FB / Elvis Obogne / Noven Lee Clopino FB