Sangguniang Kabataan ng Barangay Bunducan naghatid ng saya sa kanilang fiesta
Mary Jessa C. Fajardo April 19, 2021 at 03:53 PMSaya at pag-asa ang nais na ipadama ni Councilor Jamela “Jam” Mendoza sa kanyang mga kabarangay sa Bunducan. Kaya naman bilang pangulo ng Sangguniang Kabataan Federation ng Bocaue, pinangunahan niya ang isang kakaibang selebrasyon ng pista sa kanilang lugar.
Pinamagatan itong “Bulagaan sa Bunducan.” Isa itong online event na ginanap kahapon, April 18. Simple lang daw pero masaya naman ang kanilang naging selebrasyon. At ang pinakaimportante, malayo sa kapahamakan na dala ng COVID-19.
Ibinahagi ni Councilor Jam sa Arkipelago News na hindi naging hadlang ang pandemya para maipagdiwang nila ang pista sa kanilang baryo.
“Actually, hindi ineexpect ng majority na may celebration pa dahil sa COVID-19. Kaya sobrang natuwa sila na may ginawa kami lalo na’t every three years lang ang fiesta sa lugar namin,” paliwanag ni Councilor Jam.
Ang online fiesta ay inspired ng mga palaro sa sikat na programang Eat Bulaga sa GMA Network tulad ng “Bawal Judgmental” at “Juan for all, all for Juan.” Pinaghandaang mabuti ng mga lider kabataan ang mga papremyo, pati na ang mga raffle at online games.
Ang “Bulagaan” daw ang nakitang paraan nina Councilor Jam at ng kanyang mga kasamahan sa SK Bunducan Council para patuloy na makapagbigay saya sa kanilang mga kababaryo sa gitna ng pandemya.
Gusto rin daw nilang mapanatiling buhay sa puso ng mga taga-Bunducan ang mga kulturang Pilipino.
“Our goals are to continuously show the importance of cultural and social traditions to the citizens of Bunducan, to celebrate our patron and pay tribute to them, and to show that despite the current hurdles and challenges caused by the pandemic, we can still celebrate and be united as one,” paliwanag pa ng konsehal.
Isa sa pinalad na manalo sa mga online games si Daisy Democer, 54 years old. Siya ang nagwagi ng grand prize sa larong “Pera o Kahon.”
“Sumali ako dahil gusto ko sanang manalo sa raffle ng bigas. Malaking tulong na sa amin ‘yun,” kwento ni Daisy.
Nagtatrabaho si Daisy bilang project development officer at ang asawa naman niya ay isang nurse. May apat silang anak. Hindi raw inaasahan ni Daisy na mananalo siya ng tatlong libong piso sa Bulagaan.
“Actually, hindi ko alam na may ganung palaro. Akala ko lang raffle kung saan pwede akong manalo ng bigas. Eh nanood ako ng live at nagcomment, maya maya tumawag na sila sa akin,” masayang kuwento ni Daisy.
Gagamitin daw niyang pamasahe sa kanyang pag-uwi sa probinsya ang perang napanalunan niya.
“Naiyak po ako sa tuwa dahil may pandagdag ako sa pambili ng tiket sa eroplano. Kailangan ko po kasing umuwi dahil namatay ang mother ko. Lubos po akong nagpapasalamat sa SK Bunducan,” dagdag pa niya.
Malaking tulong daw para sa tulad ni Daisy ang mga ganitong programa sa panahon na marami ang nahihirapan.
“Natutuwa ako sa SK Bunducan dahil masigasig sila na mapasaya kaming mga kabarangay nila despite ng pandemic.”
Masayang masaya rin ang mga nanalo ng cash, appliances, bigas, grocery, gamit sa bahay at iba pa.
Nagmula ang mga papremyo kina/sa Mayor Joni Villanueva-Tugna Family Foundation, Vice Mayor Alvin Cotaco, Councilors Dioscoro Juan, Aries Nieto, Atty. Jeng Jose, Jerome Reyes, Mirasol Bautista at mga business establishment sa bayan ng Bocaue.
Matapos ang kanilang online fiesta, sinabi ni CouncilorJam sa Arkipelago News na nagpaplano ang SK Bunducan Council na gumawa ng isang proyektong malaki ang maitutulong sa mga kabataan ng Barangay Bunducan.
“We are planning to create a youth center in our barangay this year. There will be an e-library and mini library with free internet access. We aim to help the youth in our barangay by giving them free educational assistance,” kuwento pa ni Councilor Jam.
Makikita sa official Facebook page ni Councilor Jamela “Jam” Mendoza ang listahan ng mga nanalo at kung paano kukunin ang premyo.
Photos courtesy of Councilor Jam Mendoza