Sangkot sa ilegal na droga, wanted at STL bookies naaresto ng Bulacan PNP
Mon Lazaro July 6, 2023 at 10:05 PMCAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Umabot sa 24 indibidwal ang naaresto ng Bulacan PNP sa magkakahiwalay na operasyon nitong nakaraang araw ng Martes.
Base sa ulat na nakarating kay Bulacan police director Col. Relly Arnedo, 13 sa naaresto ay sangkot sa ilegal na droga, pito ay pinaghahanap ng batas, dalawa ang nadakip sa pagresponde ng mga pulis, at isa dahil sa operasyon ng STL Bookies.
Ang mga naaresto dahil sa ilegal na droga ay dulot ng operasyon ng mga Station Drug Enforcement Units ng Guiguinto, Balagtas, San Rafael, Santa Maria, San Miguel, Hagonoy, Plaridel, Bocaue, at Marilao Police Station.
Nakumpiska sa mga suspek ang kabuuang 51 plastic sachets ng pinaghihinalaang shabu, drug paraphernalia at buy-bust money.
Dinala ang mga naaresto kabilang ang mga nakumpiskang gamit sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri at ang mga suspek ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa R.A. 9165.
Sa kabilang dako naman, ang mga pinagsanib na tracker team at operatiba ng Santa Maria Police Station, 301st Special Mission Group 300 AISW PAF, 3012 AISS Field Station Northern Luzon PAF, 3012 AISS Field Station Central Mindanao PAF, and PRO 8 Julita, Leyte; mga operatiba ng Provincial Intelligence Unit at Paombong Police Station; magkasanib na operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group Bulacan PFU at San Jose Del Monte CPS; Norzagaray, Bulakan, San Jose Del Monte at Santa Maria Police Stations ay nagsagawa ng mga manhunt operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng pitong wanted na tao.
Samantala, ang agarang pagresponde ng mga operatiba ng Baliwag at Angat Police Stations ay nagresulta sa pagkakahuli kina Joseph Austria of Barangay Taboc, Angat dahil sa pananaksak; at alias Jerry ng Manggahan Floodway, Taytay, Rizal dahil sa kasong rape.
Nahuli naman sa Barangay Lapnit sa bayan ng San Ildefonso si Jonathan Imperio dahil sa ilegal na STL Bookies.
Photo: Bulacan Police Provincial Office