SPECIAL REPORT Kinaltasan ba ang AICS o TUPAD o SAP mo? Bawal ito at pwede kang magreklamo
Reggie Vizmanos October 21, 2023 at 03:25 PMIkaw ba ay naging benepisyaryo ng alinman sa mga programang AICS, TUPAD o SAP pero binawasan o may nakihati sa ayuda mo?
Labag sa batas ang pagnanakaw ng pinansyal na ayuda at pwede kang
magsampa ng kaso laban sa mga gumawa nito.
Naitala sa iba’t ibang lugar ang tungkol sa pagkaltas o pakikihati ng mga Barangay Captain at Barangay Kagawad sa mga nabanggit na pinansyal na ayuda.
Marami ring reklamo tungkol sa pagpili ng mga opisyal ng barangay sa kanilang pamilya, kamag-anak at kaibigan para bigyan ng ayuda kahit hindi naman kwalipikado. Dahil dito, marami na ring barangay official ang sinampahan ng kaso.
Pero hanggang sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang pagkaltas sa AICS at TUPAD. Anong pwedeng gawin ng mga mamamayan tungkol sa problemang ito?
Pwede o legal ba ang pagkaltas ng mga barangay official o sinuman sa mga ayudang ito?
Hindi. Labag sa batas ang pagbabawas sa ayudang AICS, TUPAD, at SAP.
Sa TUPAD, sinabi ng DOLE na malinaw na pagnanakaw ang ginagawa ng mga nagkakaltas sa ayuda. Maaari silang sampahan ng mga kasong qualified theft at estafa.
Ayon sa, “Guidelines on the Implementation of Tulong Panghanapbuhay Para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD)” mula sa DOLE, hindi kasali sa mga kwalipikadong benepisyaryo ang mga opisyal ng barangay pati na ang mga barangay tanod o sinumang tumatanggap ng sweldo mula sa gobyerno.
“Exclusion
The following are excluded from the TUPAD:
- Government employees (i.e Local Government Units, and Job Order Personnel).”
Sa SAP naman, nakasaad sa Omnibus Guidelines in the Implementation of the Emergency Subsidy Program of DSWD, partikular sa parte ng Exclusion, na hindi kasali ang mga elected at appointed government officials kasama na ang mga opisyal ng barangay. Hindi rin kasali ang mga barangay chairman at kagawad sa mga dapat makatanggap ng AICS.
“The following families shall be excluded from receiving the ESP under these Guidelines if any of its member/s is/are:
a. Elected and Appointed government official/s (i.e. permanent, contractual, casual,
coterminous) or personnel contracted (under Memorandum of Agreement; Cost of Service, Job Order, and other similar arrangement/s) in any National Government Agency (NGA), Government-Owned and Controlled Corporation, Local Government Unit, and GOCCs with original charter.”
Ayon sa mga benepisyaryong nakausap ng ARKIPELAGO NEWS, hindi sila sang-ayon na kaltasan ang kanilang AICS o TUPAD ng mga opisyal ng barangay. Napilitan anila silang pumayag dahil hindi sila isasali kung kokontra sila. Ang mga kapitbahay nilang hindi sumang-ayon ay hindi na isinama sa mga sumunod na pamamahagi ng ayuda. Malinaw rin anila na sinamantala ng mga opisyal ng barangay ang kanilang kagipitan at inagawan sila ng ayudang kailangang kailangan nila.
Bakit hindi maaring makatanggap ng SAP ang mga elected at appointed government official at mga empleyado ng pamahalaan?
Paliwanag ng DSWD, “Kahit may miyembro na nasa informal economy o apektadong sektor, sila ay hindi napapabilang sa higit na prayoridad dahil patuloy angkanilang sahod sa panahon ng ECQ (MC 9 Series of 2020, Section VI-B).”
Ano nga ba ang mga financial assistance na AICS, TUPAD, at SAP? At para kanino ito?
Ang AICS o Assistance to Individuals in Crisis Situation ay tulong sa mga tao o pamilyang dumaraan sa krisis, sakuna o matinding kahirapan. Sila ang mga nangangailangan ng tulong para sa edukasyon, pagpapagamot, pamasahe, pampalibing, pagkain at iba pang pangangailangan.
Nasa pangangasiwa ng DSWD ang programang ito. May iba’t ibang halaga ito depende kung ano ang tulong na hinihingi.
Noong kasagsagan ng pandemic, ipinamahagi ang AICS sa porma ng cash assistance na P3,000 per household para matulungan sila sa kagipitan noon. Umaabot ito sa P5,000 kung may miyembro ng pamilya na kabilang sa apektadong sektor tulad ng senior citizen at PWD.
Ang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers ay ayuda naman para sa displaced workers (nawalan ng trabaho at pagkakakitaan), underemployed (kulang ang trabaho at kita), at seasonal workers (hindi tuloy-tuloy ang trabaho at kita) para sa minimum period na sampung (10) araw hanggang maximum na tatlumpung (30) araw, depende sa uri ng trabaho na kailangang gawin.
Programa ito ng Department of Labor and Employment (DOLE) at nakabase ang halagang ibinibigay sa minimum wage sa lugar o rehiyon kung saan ito isinagawa. Sa Metro Manila halimbawa, P610 per day ang minimum wage.
Ang SAP o Social Assistance Program ay ayudang pinansyal para sa mga lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic at ipinamahagi ito noong ipinatutupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Isa ito sa programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa ilalim ng programa, ang bawat kwalipikadong pamilya ay binigyan ng P5,000 hanggang P8,000 depende sa minimum wage ng isang rehiyon.
Anomalya sa AICS
Sa Lungsod ng Navotas, nagsampa ng kaso sa Ombudsman ang ilang residente dahil kinaltasan umano ang perang natanggap nila. Imbis na P3,000 ay P1,000 lang umano ang natanggap ng mga nagrereklamo. Ayon pa sa kanilang reklamo, may pinapaboran ang mga nagpapamahagi ng AICS dahil hindi naman maituturing na indigent o mahirap ang ibang nabigyan ng ayuda.
Inirereklamo rin nila ang pagkakabura ng kanilang mga pangalan sa listahan ng mga beneficiary kahit na dati na silang nakakatanggap ng financial assistance mula sa gobyerno.
Anomalya sa TUPAD
Noong Nobyembre, 2022 ay inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na kabilang ang human trafficking sa tinitingnan nilang kaso laban sa mga nasa likod ng umano’y anomalya sa TUPAD.
Ayon sa NBI, ito ay dahil nagsagawa ang mga ito ng illegal recruitment ng informal sector workers na pinalabas na mga lehitimong benepisyaryo partikular sa limang barangay sa Quezon City.
Nasa 700 katao ang nagreklamo dahil may kaltas umano ang natanggap nilang sweldo mula sa TUPAD,
Maging ang Office of the Ombudsman ay nagsagawa rin ng sarili nitong imbestigasyon sa isyu sa TUPAD.
Ayon sa Ombudsman, ang kanilang fact-finding investigation ay naka-focus sa illegal deductions sa TUPAD para gamitin umano sa congressional staff members at barangay officials; collection ng “processing fees” mula sa mga benepisyaryo, at ang mismong mga opisyal ng gobyeno na isinangkot sa anomalya.
Noong Mayo, 2022, pinuna ng Commission on Audit (COA) na sa 21,710 TUPAD beneficiaries sa lalawigan ng Pampanga, mahigit 5,000 ang nagtataglay ng iisang pangalan, iisang birth date, iisang contact number, iisang type of identification (ID) card, at iisang ID number.
Nalaman din sa imbestigasyon na sa isang bayan sa naturang lalawigan, isang tao lang ang nag-claim sa suweldo ng 35 na TUPAD beneficiaries.
Anomalya sa distribusyon ng SAP
Karamihan sa mga reklamo sa SAP distribution ay ang tinatawag na splitting of cash aid o paghahati-hati ng ayuda para maibigay sa mga hindi naman benepisyaryo, at falsification of documents para makakuha ng ayuda kahit hindi kwalipikado.
Noong Mayo 2020, sa kasagsagan ng distribusyon ng SAP, nabunyag ang maraming iregularidad at anomalya. Umabot sa 183 na mga opisyal ng barangay ang isinailalim sa imbestigasyon ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Nasa 134 barangay officials naman ang pormal na sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at RA 11469 o ang Bayanihan to Heal As One Act, ayon sa DILG.
Sa Binmaley, Pangasinan isang barangay captain ang kinasuhan dahil sa pagkolekta ng P1,000 sa bawat nakatanggap ng SAP benefit.
Sa Sta. Maria, Ilocos Sur, isang punong barangay ang nagbawas umano ng tig-P2,000 mula sa 132 SAP recipients.
Isang barangay kagawad ang nakuhanan ng video habang kinakausap niya ang isang benepisyaryo para kunin daw ang mahigit kalahati ng tulong pinansyal. Sinabi diumano ng kagawad na imbes P6,500 ang matanggap na SAP ng beneficiary, P3,000 na lang ang ibibigay sa kanya dahil dadalhin diumano ang halagang P3,500 sa mayor ng kanilang bayan para maipamahagi naman daw sa ibang residente. Itinanggi ng nasabing alkalde na mayroon siyang ganitong utos.
Isa pang barangay captain sa Isabela, Negros Occidental ang kinasuhan dahil pineke niya ang listahan ng beneficiaries at isinali ang kaniyang apo. Bukod dito ay personal din umano niyang pinili ang marami sa mga benepisyaryo.
Sa Sta. Maria, Ilocos Sur, Talisay City at sa Agusan del Norte, maraming barangay officials ang nakasuhan dahil isiningit nila sa list of SAP beneficiaries ang pangalan ng kanilang mga kaanak.
Iginiit ng DILG na kailangang sundin lahat ang detalyeng isinasaad sa “Special Guidelines on the Provision of Social Amelioration Measures by the DSWD, DOLE, DTI, DA, DOF, DBM, DILG and LGUs to the most affected residents of the areas under enhanced community quarantine.”
Itinatakda ng naturang memorandum na ang SAP ay dapat mapunta sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Ang mapapatunayang sangkot sa iregularidad o anomalya ay nahaharap sa mga kasong Robbery, Grave Coercion, at paglabag sa mga sumusunod: Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Bayanihan to Heal As One Act, Code of Conduct and Ethical Practices for Public Officials, at Ease of doing business and efficient delivery of government services.
Narito ang mga maaaring gawin kung gustong magsampa ng reklamo
Kung may reklamo sa pagkaltas ng mga barangay official sa TUPAD, maaari kayong magpunta sa tanggapan ng Regional Investigation Team ng DOLE kung saang rehiyon kayo kabilang. Pwede ring tawagan ang DOLE Hotline 1349 at nakahandang umasiste ang Service Action Officers, mula Lunes hanggang Linggo.
Ayon naman sa DSWD, maaaring idulog ang reklamo tungkol sa pagbabawas sa AICS sa- https://usaptayo.dswd.gov.ph/.
Maaari ring tawagan ang Presidential Action Center sa numerong 8888.
Patuloy na nananawagan ang DILG, DSWD at DOLE sa mga may reklamo o may nalalamang impormasyon sa iregularidad sa AICS at TUPAD na idulog ito sa kanilang tanggapan o sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya at NBI, at agad nila itong aaksyunan.