[FYI] Paglabag ng Gatchalian firms
Sonny Fernandez August 27, 2023 at 07:11 PMCan of worms ang pagsabog ng issue ng Manila Bay Reclamation projects.
Pinaka-napuruhan dito ang Waterfront Manila Premier Development (WMPD) ni Plasticman William Gatchalian na ama nina Senator Win Gatchalian, DSWD Secretary Rex Gatchalian, Valenzuela Mayor Wes Gatchalian at ng negosyanteng si Kenneth Gatchalian.
Sa mga balita na pumutok nitong July 6, binakbakan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga kumpanyang nagsasagawa ng reclamation at isa riyan ang WMPD ng Gatchalians.
Hirit ni Lacuna, hindi sila ina-update sa project developments
Sa report ng Bilyonaryo.com, merong 51% stake ang city hall sa bawat isa sa tatlong reclamation projects.
Sumawsaw rin ang US embassy nung July 31 dahil concerned daw sila sa negative impact ng reclamation projects sa kapaligiran.
Pero ang talagang totoo, kasama sa proyekto ang China Communications Construction Company (CCCC) na sangkot sa construction ng military structures sa West Philippine Sea at blacklisted sa US.
Kabado ang US na may kalokohang gagawin ang mga Chinese malapit sa US embassy na malalagay ang seguridad at proteksyon nito sa panganib.
Ang major subsidiary ng CCCC ay partner ng WMPD ng mga Gatchalian sa P34-billion reclamation project.
Nanggagalaiti rin si Senator Cynthia Villar na chair ng committee on environment and natural resources dahil 2010 pa raw nila tinututulan ang reclamation projects dahil nagdudulot/ magdudulot ito ng mga pagbaha sa ilang lugar sa Metro Manila kasama na ang Las Pi?as.
Lalo pa’t nagbaha sa maraming lugar sa Metro Manila nung panahon na pumutok ang reclamation issues.
Syempre kasama pa rin sa flooding issues na yan ang – WMPD ng mga Gatchalian na tinitira ni Villar.
Ayon sa Advocates of Science and Technology for the People (Agham), maaapektuhan ang kapaligiran at kalikasan dahil sa mangrove cutting, seabed dredging at dumping of soil on the coast.
Nung 2013, sa inilabas nyang pagsusuri, sinabi ng geologist na si Kevin Rodulfo na base sa scientific studies, tatlo ang epekto ng reclamation na peligroso sa maraming tao.
Ito ang tuloy-tuloy na paglubog ng lupa o land subsidence, banta ng storm waves at storm surges o daluyong tulad ng nangyari sa Leyte nung Supertyphoon Yolanda, at ang liquefaction o pagtutubig sa ibabaw ng lupa tulad ng nangyari sa Dagupan nung 1990 super earthquake na pinaka-nadale ang Baguio.
Dahil sa lakas ng pressure ng public opinion, pinatigil ni Marcos Jr ang lahat ng reclamation projects.
Sa naunang reports, lahat ng 22 projects sa Manila Bay ang pinapatigil pero winasto ito dahil ang 22 ay reclamation projects sa buong bansa at 13 lang dito ang nasa Manila Bay.
Pero hindi lang pala sa Manila Bay nagka-isyu ang mga Gatchalian.
January ngayong taon, uminit ang mga violation laban sa Altai Philippines Mining Corporation (APMC) sa Sibuyan Island sa Romblon.
Inilantad ng mga residente at non-government organizations ang mga kapalpakan ng APMC activities nang nagbarikada at nakialam ang mga pulisya, binuwag ito, may mga nasaktan at ibinalita ng media.
Paniwala ng mga residente at NGOs, masisira ng pagmimina ang “Galapagos of Asia”, mga gubat, kasama na ang Mt. Guiting Natural Park at river systems.
Sumunod na buwan, sinuspinde ng DENR ang exploration activities dahil sa violations ng Altai sa kanilang nickel at metallic mining.
Sa inspeksyon ng Environmental Management Bureau of Mimaropa, nadiskubre nilang walang Environmental Compliance Certificate ang APMC sa construction ng causeway project.
Nagputol at nanira din ng mga puno ang APMC sa exploration site at inisyuhan ng notice of violation, wala itong maipakitang cutting permit.
Sinuspinde ng DENR ang construction ng causeway at permit to transport ore.
Denied din ang application for miscellaneous lease agreement ng APMC dahil lumabag ito sa Public Land Act.
Ayon sa mga environmentalist, walang maipakitang barangay clearance ang APMC, municipal business permit, foreshore lease contract mula sa DENR, permit to construct a private port mula naman sa Philippine Ports Authority.
At nito ngang August 16, naglabas ang Supreme Court ng Writ of Kalikasan laban sa APMC, DENR at Mines and Geosciences Bureau bilang tugon sa petisyon ng mamamayan na protektahan ang Sibuyan Island mula sa mapangwasak na mining activities sa lugar.
Ang writ of kalikasan ay remedyo ng batas para mapangalagaan ang karapatan ng mga Pilipino sa balanced at malusog na kapaligiran.
Si Kenneth Gatchalian ang isa sa sinasabing director ng APMC ay anak din ni Plasticman William Gatchalian.
Sa website ng Wellex Group, si Kenneth ay director din ng Wellex Industries Incorporated, ang mining at petroleum investment arm ng Wellex Group.
Speaking of Wellex Group, nung panunungkulan ng pumanaw na si Kalihim Gina Lopez sa DENR, ipinasara niya ang 23 metallic mines.
Kasama sa binigwasan niya ng closure order ang Wellex Mining sa Dinagat Islands sa Northeastern Mindanao nung February 2, 2017 dahil sa sandamakmak na violations.
Nung March 31, 2021, inilabas ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) ang nakuha nilang DENR audit report sa ginawang imbestigasyon noon nina Secretary Lopez.
Sa report, lumabag ang Wellex Mining sa Mine Safety and Health Standards at DENR Administrative Order (DAO) 2010-21 tulad ng preparation at implementation ng Annual Safety and Health Program nung 2015 at 2016, hindi sila naglagay ng Safety and Health Office. Wala rin silang full time safety engineer at hindi sila nagsagawa ng medical examination sa lahat ng employees.
Wala silang tree-cutting permit, hindi sila nag-rehabilitate ng mga apektadong lugar. Naghukay ang Wellex Mining sa Madanlog creek, wala silang Environmental Compliance Certificate sa excavation at installation ng settling pond.
Lumabag din sila sa RA 9275 o Clean Water Act – wala silang operating facility (oil/water separator)- proper waste management, wala silang reforestation at carbon sink program at nabigo rin ang Wellex na tiyakin na ang supply ng surface water ay hindi mababawasan tulad ng nangyari sa source of potable water sa Barangay Malinao.
May mga paglabag din ang Wellex Mining sa RA 6969, ang Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990. Kasama na rito ang transport of hazardous wastes nang walang transport registration at walang permit to transport. Marami pa silang violations na hindi ko na isinama.
Batay sa mga violation na yan, masusukat kung responsable ang Wellex Mining at kung pinangangalagaan nila ang paligid at komunidad.
Malinaw namang hindi, kaya salamat kay Gina Lopez, pinakamatapang at pinakamahusay na DENR secretary sa kasaysayan dahil nagkaroon tayo ng mga recorded official history ng mga kumpanyang lumabag sa mga environmental at iba pang laws sa mga panahong yun.
Sa kanilang website – presidente at chairman si William Gatchalian ng Wellex Mining at officers din ang asawa niyang si Dee at mga anak na sina Sherwin at Weslie.
Pero nang pumalit si Roy Cimatu bilang DENR Chief, binawi niya ang maraming closure orders at sinuspinde na lang ang mga ito.
Saved by Cimatu ang closure order vs Wellex Mining Corp at ginawa na lang suspension.
Syempre sa lahat ng mga insidenteng ito, either humirit ng denial, consideration o apela ang Gatchalians.
Mula Dinagat sa Northeastern Mindanao, hanggang sa Romblon at Manila Bay, buhay buhay ang mga negosyo ng Gatchalian, habang pinangangambahang nakasisira ng kalikasan ang kanilang operations.
Sa kaso ng Waterfront nakipag-partner pa sa China Communications Construction Company na nagtayo ng military installations sa West Philippine Sea.
Alam ba ng mga Gatchalian ang ginagawa nila?
Hindi ba nagmukhang kinunsinti pa nila ang panghihimasok ng China sa Pilipinas sa pagkuha sa CCCC?
Mas importante pa ba ang kumita kesa ang makiisa sa pambansang laban sa mga paglabag ng China at mga kumpanya nila tulad ng CCCC sa arbitral decision?
Kung susumahin, sinasabi ng mga kumpanya na pag-aari ng Gatchalian o may shares sila sa Waterfront, Altai at Wellex, na legal at wala silang nilalabag sa kanilang mining operations sa mga naging reklamo laban sa kanila. O kaya ay dumaan ang mga proyekto sa proseso.
Pero kung itatapat ito sa mismong sinasabi at pagsisiyasat ng mga residente, mga samahan, NGOs at ng DENR, may mga violation sila.
Sa parte ng DENR, naglabas sila ng mga kautusan na pinapatigil o sinususpindi ang operasyon dahil may matitibay na batayan.
Kinastigo rin ng CHR ang mga paglabag ng enforcers sa mga nagpoprotesta at harassment nila sa mga tumututol sa mining operations.
Batay sa mga aksyon ng gobyerno laban sa operations ng Gatchalian companies na Waterfront Manila Premier Development, Altai Philippines Mining Corporation at Wellex Mining, malinaw kung ano ang totoo at hindi totoo.
Binibigyan nating diin ang Gatchalian companies dahil ang buong pamilya ay entrenched sa business at politics.
Big names sila, malalaking pader na dapat ay mas lalong sumusunod sa batas at maging example ng responsableng korporasyon at pagnenegosyo, at transparent at accountable na paggogobyerno.