| Contact Us

900 SPES jobs handog ng Caloocan LGU; miyembro ng sindikato, rapist at mga pusher arestado ng city police

Umaabot sa 900 pansamantalang trabaho ang handog ng Caloocan LGU sa mga estudyante sa ilalim ng Special Program for Employment of Students (SPES). Ayon kay Mayor Along Malapitan, ito ay bahagi ng kanilang tulong sa mga kabataan upang magkaroon ng inisyal na karanasan sa pagtatrabaho, kasabay ng pagkakaroon din nila ng oportunidad na kumita ng pera na magagamit nilang pandagdag na panggastos sa araw-araw. Ang naturang programa ay pinangangasiwaan ng Caloocan Public Employment Services Office (PESO). Sa iba pang balita, naaresto ng pulisya ng lungsod ang isa umanong miyembro ng notoryus naDacallos criminal gang na sangkot sa gunrunning, panghoholdap at pagbebenta ng iligal na droga. Kinilala ni Caloocan City Police Station (CCPS) Chief Col. Ruben Lacuesta ang suspek na si alyas Ryan, 41 anyos, residente ng Phase 8-B, Package 1-B, Brgy. 176 Bagong Silang. Naaresto ang suspek matapos niyang nakipag-negosasyong magbenta ng kalibre .38 revolver na baril na may tatlong bala sa isang pulis na nagpanggap na bibili ng armas. Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition. Naaresto rin sa lungsod ang Top 4 Most Wanted Person (MWP) ng Parañaque City na nahaharap sa 4 counts ng kasong Statutory Rape. Ang suspek na kinilalang si Alias Jay-Ar, 27 anyos, ay nahuli sa pinagtataguan nitong bahay sa Samson Road, Brgy. 80, Caloocan. Isa ring Top Seven MWP ng Caloocan na nahaharap sa kasong Sexual Abuse o paglabag sa R.A 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) ang nahuli ng pulisya sa Kaunlaran Village, Libis Baesa, Brgy. 160, Sta. Quiteria. Umaabot naman sa P840,000 halaga ng hinihinalang marijuana ang nasamsam sa tatlong suspek sa bahagi ng Phase 10, Brgy. 176, Bagong Silang. Natiyempuhan ang mga suspek habang nagsasagawa ng transaksyon sa pagbebenta ng naturang mga iligal na droga na nakalagay sa isang back pack at tumitimbang ng pitong kilo. Samantala, arestado sa isinagawang buy-bust operation sa bahagi ng Sampaguita Street, Brgy. 156, ang apat na lalaking nahulihan ng 21 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na P144,160, gayundin ang isa pang lalaki sa Phase 7C, Kaagapay Road, Brgy. 176 Bagong Silang, na nahulihan din ng 4.5 gramo ng hinihinalang shabu na may SDP na P30,600. Nahaharap sila ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 📷 Along Malapitan FB, Northern Police District FB 2 days ago

Dambana ng Paghilom para sa mga biktima ng ‘drug war EJK’ binuksan sa Caloocan

Pormal nang pinasinayaan at binuksan sa loob ng La Loma Catholic Cemetery sa Caloocan City ang Dambana ng Paghilom, na kauna-unahang memorial site o himlayan at lugar ng pag-ala-ala sa mga sinasabing biktima ng extra-judicial killings (EJK) o pagpaslang sa ilalim ng bayolente at madugong drug war o kampanya kontra iligal na droga noong termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ang Dambana ay bahagi ng Program Paghilom, isang inisyatibo ng Simbahang Katoliko at ng Arnold Janssen Kalinga Foundation, Inc. sa pangunguna ng founder at presidente nito na si Fr. Flavie Villanueva, SVD, na naglalayong matulungang mapaghilom ang sugat sa puso at isipan ng mga kapamilya, kaanak at kaibigan ng mga biktima ng EJK, kasabay ng pagpupursige para sa hustisya sa kanila at pagbubunyag ng buong katotohanan ng nasabing drug war at ng mga nagpakana nito. Binigyang pansin nila ang mga ulat na ang naturang drug war ay nagresulta umano sa pagpaslang sa humigit-kumulang na 30,000 katao na pinagbintangang sangkot sa iligal na droga at pinaslang dahil "nanlaban." Ayon kay Fr. Villanueva, sinimulan ang Program Paghilom noong 2017 sa panahon ng kasagsagan ng drug war EJK, "Ang Dambana ng Paghilom ay inisyatibo ng simbahan upang muling maipadama sa mga naulilang pamilya ng EJK victims ang pag-asa at paghilom sa kabila ng mga karahasang nangyayari sa bansa. The memorial site and columbarium symbolizes more than just a final resting place for those killed. Dambana ng Paghilom is also a statement of hope. Evil will never persist if men, women, senators, ambassadors, people of good conscience, HR advocates, seminarians, sisters, religious, people at the margins will continue to stand firm for life, truth, and peace." Sinabi niya na lubhang mabigat ang pinagdaanang trahedya ng pamilya ng mga EJK victims na dahil sa matinding kahirapan ay walang nagawa upang protektahan at ipagtanggol ang kanilang mga mahal sa buhay. Katuwang ni Fr. Villanueva na nagbasbas sa Dambana si Diocese of Kalookan Vicar General Fr. Jerome Cruz. Bukod sa mga kapamilya, kamag-anak at kaibigan ng mga EJK victims, nakiisa at dumalo rin sa inauguration ng Dambana ng Paghilom sina European Union (EU) Ambassador Luc Veron; German Ambassador Andreas Michael Pfaffernoschke; Dutch Ambassador Marielle Geraedts; British Ambassador Laure Beaufils; Senator Risa Hontiveros; dating Senator Leila De Lima; Running priest Fr. Robert Reyes; forensic pathologist Dr. Raquel Fortun; at marami pang iba. Kabilang din sa mga sumuporta sa inisyatibong ito ang Diocese of Kalookan; Diocesan Shrine & Parish of Our Lady of Grace sa pangunguna ni Rector & Parish Priest Fr. Eduardo Cariño Vasquez Jr.; mga parokya ng simbahang Katoliko; at iba-iba pang grupo at indibidwal. Kasunod ng ribbon-cutting sa okasyon ay sinaksihan ng mga dumalo ang inurnment o paglalagay sa urno ng mga labi ng 11 EJK victims, bilang inisyal na batch ng mga ilalagak na labi sa himlayan. Tinataya umano na aabot sa 400 urns ang maaaring ihimlay sa naturang memorial site. “This was once a hope, and it is now real,” dagdag pa ni Fr. Villanueva. 📷 Veritas FB 2 weeks ago

Caloocan pinarangalan ng DENR bilang “Champion in ISF and Illegal Structures Management”

Tinanggap ng lokal na pamahalaan ng Caloocan ang mataas na pagkilala bilang Champion in ISF (Informal Settler Families) and Illegal Structures Management sa 4th Gawad Taga Ilog (GTI) Awarding Ceremony ng Department of Environment and Natural Resources - National Capital Region (DENR - NCR). Naging basehan ng parangal ang tuloy-tuloy na mga aktibidad at pakikipagtulungan ng LGU sa DENR para sa paglilinis ng Estero de Maypajo na nasa lungsod partikular sa bahagi ng Barangay 35 at Barangay 28, at pag-relocate o paglilipat ng mga nakatira rito patungo sa bago nilang bahay at komunidad na maayos, disente at ligtas. Kinilala rin ng DENR ang Caloocan City bilang second runner-up sa main award category na Search for the Most Improved Estero in Metro Manila. Ang parangal ay pinangunahan nina DENR Undersecretary for Integrated Environmental Science Dr. Carlos Primo David at DENR-NCR Regional Executive Director Jacqueline Caancan. Kasama rin sa nagbigay ng parangal ang mga kinatawan mula sa Water Environment Association of the Philippines, Inc., Envirokonsult Equipment and Services, Inc., Maynilad Water Services, Inc., at Environmental Management Bureau - NCR, bilang ilan sa mga partner organizations sa pagsasagawa ng GTI Awards. Ayon kay Mayor Along Malapitan, "Nagpapasalamat po tayo sa DENR sa nasabing pagkilala at asahan niyo pong walang patid nating titiyakin na namumuhay nang maayos at ligtas ang ating mga kababayan [na inililikas mula sa tabing-ilog] at nabibigyan sila ng pagkakataon na magkaroon ng marangal na tirahan." Dagdag ng alkalde, "Congratulations po sa ating City Environmental Management Department (CEMD) at sa Housing and Resettlement Office (HARO) sa matagumpay na pakikiisa sa layuning ito." Kamakailan din ay nagsagawa ang DENR Metropolitan Environmental Office (MEO) – North at ang DENR Environmental Management Bureau - Central Office ng Communication, Education and Public Awareness (CEPA) campaign sa Barangay 177, North Caloocan tungkol sa pangangalaga ng ilog. Ang aktibidad ay pinangunahan ni MEO-North OIC Deputy Director Glenn Alvin Gustilo kasama sina Engr. Rocelle Estoya at Mr. Rolando Enoc, at dinaluhan ng 20 mga opisyal at kawani ng Barangay 177 sa pamumuno ni Punong Barangay Donna De Gana-Jarito. Tinalakay sa aktibidad ang epektibong pangangalaga sa ilog at sa kabuuan ng kapaligiran na nasasakupan ng barangay, partikular ang regular na paglilinis sa mga daluyang tubig, wastong pamamahala ng mga basura, Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, at R.A 11893 o ang Extended Producer Responsibility on Plastic Packaging Waste. 📷 Along Malapitan FB, DENR NCR FB 2 weeks ago

P136k halaga ng ‘shabu’ nasamsam sa Caloocan, livelihood training inilunsad sa komunidad, at 58 kabataan pasok sa trabaho

P136,000 na halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Caloocan City Police Station (CCPS) mula sa isang lalaking sinita nila dahil walang suot na pang-itaas na damit habang nasa pampublikong lugar na isang paglabag sa City Ordinance. Sa report ng CCPS Sub-Station 4 kay Police Chief Col. Ruben Lacuesta, sinabi nila na sinita nila ang suspek sa bahagi ng Salmon Street, Barangay 8, pero biglang tumakbo palayo. Nang nakorner at kinapkapan ng mga pulis ay nakita umano sa suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 20 gramo at may Standard Drug Price (SDP) na Php136,000.00. Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Samantala, naglunsad ang CCPS Community Affairs Section (CAS) ng livelihood training na Dishwashing Liquid Making sa komunidad ng Barangay 175, Camarin. Pinangunahan ito ni CCPS CAS Acting Chief, PCapt. Ma. Magdalena Obrial katuwang si PSSg John Mikko Camerino, PCR Specialist PNCO. 50 residente ang dumalo sa training na ayon sa CCPS ay puwede nang makapagsimula ng maliit na negosyo sa paggawa ng dishwashing liquid dahil sa kanilang natutunan. 58 na kabataan naman ang sumailalim sa Special Program for Employment of Students (SPES) orientation na inilunsad ng Caloocan City Public Employment Service Office (PESO) at ng Department of Labor and Employment (DOLE). Sila ang bumubuo ng bagong batch ng SPES beneficiaries na pumirma sa kontrata upang magtrabaho sa loob ng dalawang buwan sa KNC Group of Companies na kinapapalooban ng Jollibee, Chowking, at Greenwich restaurants. Layon ng SPES na matulungan ang mga kabataan na magkaroon ng karagdagang kaalaman, karanasan, at katamtamang pasahod na pera na magiging panggastos nila para sa susunod na pasukan sa paaralan. 📹 Along Malapitan FB 3 weeks ago

Tulong pangkabuhayan at bakuna itinaguyod ng Caloocan LGU

Umabot sa 26 na residente ng Caloocan ang nakatanggap ng kabuhayan package o panimulang negosyo mula sa Caloocan City Public Employment Service Office (PESO), tanggapan ni Senator Loren Legarda, at Department of Labor and Employment (DOLE). Ang naturang mga kabuhayan package ay binubuo ng bigasan, ihaw-ihaw, at sewing machines. Ayon sa lokal na pamahalaan, karamihan sa tumanggap ng kabuhayan package ay solo parents, senior citizens, at persons with disability (PWD). Hinimok nito ang mga benepisyaryo na magpursiging palaguin ang kanilang mga natanggap na negosyo. Samantala, tuloy-tuloy ang isinasagawang libreng pagbabakuna sa lungsod laban sa mga sakitsa pangunguna ng City Health Department (CHD). Mula Abril 15 hanggang Mayo 15 ay mayroong libreng pagbabakuna laban sa polio para sa mga residente. Binigyang-diin ng LGU na ang polio ay isang karamdaman na madalas nakukuha ng mga bagong panganak hanggang 59 buwang gulang na bata. Maaari umano itong magdulot ng mga komplikasyon, panghabang-buhay na kapansanan o kamatayan. Kaugnay nito, sinabi ng LGU na magsasagawa ng malawakang pagbabakuna sa lungsod na pangungunahan ng mga health workers na magbabahay-bahay upang magbakuna, at mayroon ding itatakdang immunization sites sa iba-ibang lugar sa lungsod. Ang mga batang nasa 0 hanggang 23 buwang gulang ay makakatanggap ng tatlong dose ng bivalent oral polio vaccine (bOPV) at dalawang dose ng inactivated polio vaccine (IPV). Ang mga batang nasa 24 hanggang 59 na buwang gulang naman ay makakatanggap ng isang dose ng bOPV. Tuloy-tuloy pa rin sa mga itinakdang lugar at petsa hanggang Mayo 16 ang bakunahan kontra Human Papilloma Virus (HPV) para sa mga kababaihan edad siyam hanggang 14 na taong gulang. Karaniwan umano na nasa P4,000 hanggang P8,000 ang halaga ng bakunang ito sa mga pribadong klinika, kaya makabubuting samantalahin ang libreng pagbabakuna nito na handog ng LGU upang maiiwas sa mga sakit tulad ng cervical cancer ang mga kabataan. At dahil menor-de-edad ang target na populasyon para sa bakunang ito ay kinakailangan ng parental consent bago sila mabakunahan. Hinikayat ng lokal na pamahalaan ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak para sa kanilang angkop na proteksyon laban sa mga karamdaman. Una na ring naglunsad ng malawakang pagbabakuna sa lungsod laban sa pertussis o tuspirina at iba pang mga sakit. Nagsagawa rin ng libreng anti-rabies vaccination para sa mga alagang aso at pusa. 📷 Along Malapitan FB 1 month ago
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 18 Last