Pasig, inilunsad ang isang linggong pagkilala sa mga solo parent
Angelo Calixtro April 14, 2026 at 07:18 PM
PASIG CITY — Binuksan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang pagdiriwang ng National Solo Parents Week mula ika-13 hanggang ika-18 ng Abril sa pamamagitan ng isang simpleng seremonya na isinabay sa flag-raising activity ng lungsod.
Dumalo sa kick-off ang mga kinatawan ng solo parent groups mula sa iba’t ibang barangay, na nagpakita ng pagkakaisa at suporta sa selebrasyong nakatuon sa kanilang sektor.
Sa pangunguna ng City Social Welfare and Development Office, inilatag ang iba’t ibang aktibidad para sa buong linggo na layong magbigay ng serbisyo, suporta, at pagkilala sa mga solo parent sa lungsod.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Mayor Vico Sotto ang komunidad na makiisa sa mga programa at patuloy na suportahan ang mga solo parent, na aniya’y may mahalagang papel sa paghubog ng pamilya at lipunan.
Ayon sa pamahalaang lungsod, ang selebrasyon ay hindi lamang paggunita kundi isang hakbang upang higit pang palakasin ang kamalayan at suporta sa mga solo parent na patuloy na nagsusumikap para sa kanilang mga anak.
📷 Pasig City Public Information Office FB