1 nasawi, 6 kritikal sa salpukan ng sasakyan sa Skyway sa Parañaque
Anna Hernandez December 7, 2024 at 07:22 PMPARAÑAQUE — Isa ang nasawi at anim ang nasa malubhang kondisyon matapos magkarambola ang ilang sasakyan sa Skyway Grade Southbound sa Barangay Sun Valley, Parañaque City, noong Biyernes ng gabi.
Ayon sa mga awtoridad, kasalukuyang inaalam ang pagkakakilanlan ng nasawi. Nasa coma ang isa sa anim na nasugatan at kasalukuyan silang ginagamot sa Asian Hospital.
Sa ulat ng SLEX Sub-Office kay P/Colonel Joel Jucutan, hepe ng Regional Highway Patrol Unit-NCR, nangyari ang aksidente bandang alas-7:45 ng gabi noong Disyembre 6.
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang karambola habang ang mga sasakyan ay nasa southbound lane. Nawalan umano ng preno ang Isuzu truck, na minamaneho ni Sonny Palen, 53 anyos, at bumangga sa isang Isuzu D-Max. Dahil sa lakas ng impact, tumama rin ito sa isang Mitsubishi L300, Kawasaki Ninja motorcycle, GAC SUV, at Mitsubishi Mirage.
Inaresto ang drayber ng truck at nahaharap siya sa mga kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Multiple Physical Injuries, and Damage to Properties. Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang iba pang impormasyon at masiguro ang hustisya para sa mga biktima.
Contributed Photo