Daang Bakal, Addition Hills itinampok sa Earth Day para sa green initiatives
Angelo Calixtro April 21, 2026 at 09:40 PM
MANDALUYONG CITY — Ibinida ng pamahalaang lungsod ng Mandaluyong City ang mga makakalikasang inisyatiba ng Barangay Daang Bakal at Barangay Addition Hills bilang bahagi ng pagdiriwang ng Earth Day.
Sa lingguhang programa ng lungsod, itinampok ang mga best practices ng dalawang barangay na naglalayong isulong ang kalinisan at kaayusan sa kapaligiran.
Ayon kay Barangay Captain Richard Bassig, isa sa kanilang pangunahing proyekto ang Barangay Rooftop Garden—isang uri ng urban gardening kung saan nagtatanim ng lettuce gamit ang recycled plastic bottles bilang paso. Ang nasabing inisyatiba ay kinilala bilang isa sa mga nagwagi sa Galing Pook Awards 2025.
Samantala, ipinakilala rin ang programang “Basura Palit Bigas” ng Addition Hills sa pamumuno ni Carlito Cernal. Sa ilalim ng programa, maaaring ipalit ang 150 piraso ng plastic sachets o wrappers at 50 PET bottles sa isang kilo ng bigas—isang hakbang na nag-uugnay sa waste management at food security.
Binigyang-diin ng mga opisyal na ang mga programang ito ay patunay ng pagtutulungan ng mga barangay at ng lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng mga sustainable na solusyon. Bukod sa pagpapanatili ng kalinisan, nagdudulot din ito ng direktang benepisyo sa mga residente.
Ayon sa lungsod, ang mga ganitong inisyatiba ay mahalagang hakbang tungo sa mas luntiang kinabukasan para sa bawat Mandaleño.
📷 Mandaluyong City Public Information Office FB