115 inhinyero para sa MRT-7 project ng SMC nagtraining sa South Korea
Mon Lazaro August 22, 2023 at 01:09 PM115 na engineering graduates mula sa iba’t ibang unibersidad ng bansa ang sumailalim sa training sa South Korea para sa commercial operation ng Mass Rail Transit (MRT-7) project.
Ayon kay San Miguel Corporation (SMC) president at CEO Ramon Ang, “MRT-7 promises to be a game-changer for the Philippine transportation landscape, and we are confident our young professionals will set new benchmarks in efficiency, safety, and service excellence.”
Ang mga bagong graduate na nagmula sa Polytechnic University of the Philippines’s (PUP) Railway Engineering Program ay nagsimula na ng training, samantalang ang 40 cadets naman na nag-top sa evaluation tests ay ipinadala na rin sa South Korea sa ilalim ng national railway operator na KORAIL, na partner ng SMC sa MRT-7 project.
Kinuha ng SMC ang KORAIL ng South Korea at ng Philippine Railway Institute (PRI) para magbigay ng malalim na kaalaman sa pagpapatakbo ng tren at maintenance para sa mga railway cadets, na magiging train operators at traffic controllers.
Lampas sa 500 aplikante ang sumailalim sa panel interview at screening para sa nasabing programa kung saan kasama dito ang aptitude test para sa train operators at traffic controllers.
Ang 115 na kandidato na nakapasa ay nagsimula ng training noong Marso kung saan nagsimula naman ang classroom lectures ng mga propesor ng KORAIL sa Maynila noong Mayo.
Pitumpu’t lima sa mga kadete ang sumailalim sa mandatory Fundamental Training (FT) course ng PRI, rail transportation research at training center ng Department of Transportation.
Matapos nito ay 40 kadete ang ipinadala sa Seoul para sa training sa pasilidad ng KORAIL.
Kasama sa mga kurso ang driving simulator, exposure to core technology for driving and operations, railway control systems, first aid and emergency, at familiarization with the railway depot.
Magiging certified railway professionals sila tulad ng train operators, traffic controllers at maintenance personnel.
Photo: SMC