3 Pilipinong mangingisda nasawi nang banggain ng foreign vessel ang kanilang bangka malapit sa Bajo de Masinloc
Reggie Vizmanos October 4, 2023 at 09:14 PM
Nasawi ang tatlong Pilipinong mangingisda habang nakaligtas naman ang labing-isang kasamahan nila matapos banggain ng isang Foreign Commercial Vessel ang kanilang bangka habang nakaangkla sa bahagi ng karagatang malapit sa Bajo de Masinloc.
Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), naganap ang insidente bandang 4:20 ng madaling araw ng Lunes, Oktubre 2.

Tinukoy ng PCG ang nasabing Filipino Fishing Boat (FFB) Dearyn na lulan ang mga Pilipinong mangingisda at noo’y nakatali sa isang ‘payao’ o fish float sa gitna ng sama ng panahon at dilim ng kapaligiran nang nabangga sila ng Foreign Commercial Vessel na tanker.
Dahil sa pagbangga ay lumubog ang FFB Dearyn. Nasawi sa insidente ang 47-anyos na Boat Captain at dalawang Boat Crew nito na edad 38-anyos at 62-anyos. Ang tatlong casualties ay pawang mga residente ng Calapandayan, Subic, Zambales.
Ginamit umano ng mga nakaligtas na mangingisda ang kanilang natitirang maliliit na service boats sa pagdala ng mga kasamahan nilang nasawi sa Infanta, Quezon.
Patuloy na nagsasagawa ang PCG ng cross-referencing ng mga pahayag ng mga mangingisda at ng eksaktong petsa at oras ng pagdaan ng ibang sasakyang pandagat sa lugar ng insidente upang malaman kung sino at alin sa kanila ang posibleng nakabangga sa bangkang pangisda.
Tiniyak ng PCG na kapag natukoy na ang sangkot na tanker ay agad silang makikipag-ugnayan sa may-ari nito at itutuloy ang mas detalyadong imbestigasyon sa insidente.
Photo: Philippine Coast Guard