3 suspek sa pagnanakaw at pamamaril sa Bulacan, naaresto sa Malabon
Mon Lazaro November 30, 2025 at 03:18 PM
CAMP GEN. ALEJO SANTOS, Bulacan — Naaresto sa Lungsod ng Malabon ang tatlong suspek na sangkot sa pamamaril at pagnanakaw sa bayan ng Bustos, Bulacan noong Sabado ng umaga, Nobyembre 29.
Batay sa ulat ni Capt. Heherson Zambale, OIC ng Bustos Municipal Police Station, naganap ang pamamaril at pagnanakaw sa Barangay Liciada, sa bayan ng Bustos.
Sa isinagawang follow-up operation ng mga operatiba ng Bulacan Police, katuwang ang Malabon City Police Station, dakong alas-3:15 ng hapon, natunton at nadakip ang tatlong suspek sa Alley 8, Karisma Ville, Barangay Panghulo, Malabon City.
Kabilang sa mga naaresto ang isang 39-anyos na tattoo artist mula Bulacan, isang 44-anyos na pedicab driver, at isang 30-anyos na tattoo artist, na pawang residente ng Malabon.
Nasamsam mula sa mga suspek ang iba’t ibang uri ng armas at kagamitan, kabilang ang:
- Isang kalibre.45 Colt pistol na walang serial number, may magazine at apat na bala
- Isang kalibre.45 Norinco (serial number 1109117) na may magazine at pitong bala
- Isang kalibre.45 Para-Ordnance pistol
- Isang kalibre 9mm HK VP9 (serial number 224385849) na may magazine at 11 bala
- Isang kalibre 9mm pistol (serial number 1451627) na may magazine at limang bala
- Isang Uzi 9mm na may silencer at dalawang magazine (isa walang laman, isa may 24 na bala)
- Isang Upper Receiver Benelli T1102-03E000150
- Isang M16 DPMS Panther Arms rifle (serial number A675432) na may dalawang magazine (isa walang laman, isa may 30 bala)
- Isang granada
- 200 bala para sa kalibre.45
- 84 bala ng kalibre.40
- 6 na bala ng kalibre.38
- 3 bala ng 9mm
- 4 bala ng 5.56
- 48 bala ng kalibre.22
- 7 assorted cellular phones
- Iba’t ibang magazine assemblies
- Mga assorted identification cards
- Isang bulletproof vest na may markang “NBI”
Binigyang-diin ni Col. Angel Garcillano, Bulacan Police director, ang patuloy na pagpapatupad ng masinsinang operasyon laban sa mga kriminal at grupong nagtatangkang sirain ang kaayusan sa lalawigan.
Nanawagan din siya sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at magbigay ng impormasyon upang higit pang mapalakas ang kampanya kontra-krimen at mapanatili ang katahimikan at seguridad sa Bulacan.
📷 Bulacan Provincial Police PIO