551 kaso ng Chikungunya sa bansa naitala
Andres Bonifacio November 29, 2022 at 02:42 PMPumalo sa 551 ang bilang ng kaso ng Chikungunya sa bansa ayon sa pinakahuling report na inilabas ng Department of Health mula January 1 hanggang November 5 ng kasalukuyang taon.
Mas mataas ito ng 589% sa mga numerong naitala ng DOH sa nagdaang taon. Ayon pa sa ulat, nangunguna ang CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) na may 154 na kaso ng sakit na nakukuha sa kagat ng lamok, pumapangalawa ang Central Vizayas sa 114, kasunod ang Davao na nasa 104.
Bagama’t walang naitalang namatay sa mosquito borne disease pinapaalalahanan ng DOH na maging maingat pa rin ang publiko dahil wala pa ring bakuna at gamot hanggang sa kasalukuyan ang nagagawa laban sa sakit na ito.
Tulad ng Dengue, ang Chikungunya ay sakit na nakukuha sa kagat ng lamok na nagdudulot ng mataas na lagnat at pananakit ng kalamnan. Maari ring makaramdam ng pagkahilo, pananakit ng ulo, pananamlay at pagkakaroon ng rashes ang sinumang makakuha ng sakit na ito.
Ipinagpapalagay ng mga eksperto na ang paglobo ng mga numerong ito ay bunsod ng pagkakalubog sa tubig baha ng mga lugar na tinamaan ng Bagyong Paeng.
Photo: DOH