₱17–₱24 dagdag-presyo sa gasolina naka-amba; DOE nagbabala sa posibleng epekto sa pamasahe
Angelo Calixtro March 9, 2026 at 06:30 PM
MANILA, Philippines — Nagbabala ang Department of Energy (DOE) na maaaring makaranas ang mga motorista ng malaking pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo, na posibleng umabot sa ₱17 hanggang ₱24 kada litro.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, ito ang maaaring maging pinakamalaking single fuel price increase sa mga nakaraang taon, kahit hindi pa nito maaabot ang pinakamataas na presyo ng gasolina sa kasaysayan.
Ipinaliwanag ng DOE na hindi direktang kinokontrol ng pamahalaan ang presyo ng gasolina dahil dereguladong industriya ang oil sector sa bansa. Sa ilalim ng sistemang ito, ang mga oil company ang nagtatakda ng kanilang pump prices batay sa galaw ng pandaigdigang merkado, habang ang gobyerno ay tumatanggap lamang ng abiso at paliwanag sa kanilang mga price adjustment.
Upang mabawasan ang biglaang epekto sa mga motorista, ilang kumpanya ng langis ang pumayag na ipatupad ang price increase nang paunti-unti sa loob ng linggo sa halip na isang bagsakang taas sa presyo.
Ayon sa DOE, nakabatay ang presyo ng fuel sa Pilipinas sa international oil market, partikular sa benchmark na Dubai crude, kaya sensitibo ito sa pagbabago ng supply at demand sa pandaigdigang merkado.
Nagbabala rin ang kalihim na kung magtatagal ang mataas na presyo ng petrolyo, maaari itong magdulot ng pagtaas ng pamasahe sa transportasyon at iba pang economic adjustments sa mga susunod na linggo.
Patuloy namang mino-monitor ng DOE ang sitwasyon upang matiyak na may sapat na suplay ng produktong petrolyo sa bansa habang sinusubukang bawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo sa publiko.
📷 Bocaue MPS / Pulisya ng Angat FB