Ang pagmamahal ng isang ina para sa kanyang mga anak
Cristine Cabanizas June 22, 2021 at 10:58 AM
Maituturing na pinakamasakit na karanasan bilang anak ang makitang umiiyak sa iyong harapan ang sarili mong ina.
Ito ang nais ibahagi ni Nasser Amparna sa kanyang trending post sa Facebook.
“Grabe no? I had a talk with my mom. Ang sakit sa puso makita na umiiyak nanay mo (sorry ma I have to post this) pero sinasabi niya sayo okay lang siya,” pahayag ni Nasser sa kanyang post.

Ikinuwento ni Nasser sa panayam ng Arkipelago News sa kanya ang dahilan ng pag-iyak ng kanyang nanay na si Melody Baloy, 54 taong gulang, at mula sa Noveleta, Cavite.
Napag-usapan daw nila ang mga problema dahil sa pandemya. Kung paano naging mahirap ang buhay nila lalo na sa pinansyal na aspeto.
Kasalukuyang walang trabaho ang mga magulang ni Nasser at siya naman ay nagtatrabaho bilang isang Science Lab Specialist sa Singapore. Kumikita man, hindi pa rin daw ito sapat. Kinakailangan din daw sumailalim sa operasyon sa mata si Nanay Melody kaya sila nag-aalala.
Sa pag-uusap nila ng kanyang nanay maraming natanto at naalala si Nasser. Ugali niya na raw ang magsulat ng nararamdaman niya kaya naisipan niya itong ibahagi rin sa social media.
“Andami ko narealize… Una, I realized sa kanya pala ako nagmana kung paano magmahal nang sobra. Kahit paulit-ulit ka nasasaktan sa sitwasyon. Titiisin mo kasi mahal mo. Love supersedes hate and anger. Hindi na tama pero ganoon ang nanay talaga,” pagbabahagi ni Nasser.

Dagdag pa niya na sa kahit ano mang sitwasyon, ang mga ilaw ng tahanan ay handa raw magbigay kahit na wala nang matira para sa kanila. Sila rin daw ang tunay na nakakaunawa at tatanggap sa tunay na pagkatao ng kanilang mga anak.
“Yung kakainin niya na lang isusubo pa niya sa iba. Kahit walang matira sa kanya basta busog ang mga anak, masaya na siya,” ayon kay Nasser.
Iba raw talaga ang pagmamahal na ibinibigay ng mga ina para sa kanilang mga anak. Para kay Nasser, si Nanay Melody ay hindi lang isang ina kundi isa ring matalik na kaibigan niya.
“As you grow older, your mom is your bestfriend. ‘Di ka nagsasabi sa kanya pero alam niya kung ano nangyayari sayo. Kahit saang lupalop ka ng daigdig, alam niya ‘yan kung okay ka at kung hindi ka okay. Bigla bigla magme-message sayo ‘yan magugulat ka, alam niya na lahat. Grabe radar ng mga nanay kaya walang tsismis talagang di nakakalagpas sa kanila,” pagpapaliwanag ni Nasser.
Napakababaw lang daw ng kaligayahan ng mga nanay tulad ng kanyang ina. Sa simpleng pangangamusta lang daw niya ay nagiging masaya na ang kanyang Nanay Melody.
“Simpleng text mo lang masayang masaya na sila kahit sandamukal ‘yung text nila sayo. Pag-uuwi ka ng bahay ‘di pedeng hindi sya gigising para tanungin ka kung kumain ka na,” wika ni Nasser.
Napagtanto rin daw ni Nasser na ang kanyang ina ang taong nasa likod niya sa oras ng pangangailan. Pero ang mga maliliit na bagay aniya na ginagawa ng mga ina ay madalas na nating nakakalimutan.
“Porket alam natin andyan lang sila, minsan isinasantabi natin ‘yung nararamdaman nila. Kaya ako sa inyo, go back and tell your mom how you appreciate her before it’s too late,” payo ni Nasser.
Marami ang naantig sa post ni Nasser sa Facebook. Bumuhos ang komento ng mga tao at ibinahagi rin nila rito kung gaano nila kamahal ang kanilang mga nanay.
“You would understand everything when you become a mother one day, that’s why we are like that. A mother is a mother we can sacrifice all for the sake of our kids,” komento ni Jetajobe Marquez.
“I never get to have this kind of realizations while my mom is still alive. Now that she’s gone, I regret not realizing it earlier,” sabi naman ni Jun Ruaza.
Photo courtesy of Nasser Amparna