Angat Buhay ni VP Leni tumulong sa mga naapektuhan ng bagyo
Mike Manalaysay September 28, 2022 at 07:04 PM“Talagang maaasahan si VP Leni.”
Ganito ang karaniwang reaksyon ng maraming netizen tungkol kay dating Vice President Leni Robredo kaugnay ng bagyong Karding. Bago pa kasi tumama sa Luzon ang super typhoon noong September 25, naghahanda na sa gagawing pagtulong ang Angat Buhay, ang NGO na pinamumunuan ni Atty. Leni. Sa kasagsagan nga ng bagyo nakunan pa ng litrato ang isang truck ng Angat Buhay na bumibiyahe.
Nang humupa ang bagyo, mabilis na namahagi ng tulong ang Angat Buhay sa Nueva Ecija, Quezon, Tarlac, Pampanga, Bulacan, at Laguna. Kaya laking pasasalamat ni VP Leni sa mga tumulong na volunteer.
“Maraming salamat sa ating volunteers sa mabilis na pagtugon. Bago pa man dumating ang bagyong Karding, nakikipag-coordinate na tayo sa ating volunteer groups, na agad nag-mobilize para sa relief operations,” ayon sa kanyang post.
Sa pahayag naman ng Angat Buhay, ipinagmalaki rin nila na, “Buhay na buhay ang ating #AngatBayanihan!”
Pinasalamatan naman nila ang mga tumulong sa pamamahagi ng relief goods sa Pampanga at Nueva Ecija.
“Maraming salamat sa ating volunteers mula sa Manalakaran Communities Pampanga, at Angat Nueva Ecija sa pamamahagi ng relief goods para sa ating mga kababayang apektado ng #KardingPH.”
Para kay Atty. Leni, kayang gawin ang lahat kung nagtutulungan.
“Gaya ng lagi, posible ang lahat dahil sa bayanihan. Maraming salamat sa lahat ng mga nakikiisa para tumulong sa panahong ito,” dagdag pa niya.
Photo: Leni Robredo at Angat Buhay Fb