Angel Locsin magtatayo ng community pantry
Cristina Manalaysay April 22, 2021 at 01:35 PMSa pagdiriwang bukas, April 23, ng kanyang kaarawan, naisip daw ng aktres na si Angel Locsin na magsagawa ng community pantry na inspired din ng Maginhawa Community Pantry ni Patreng Non.
Sa isang Instagram post makikita ang larawan ni Angel na naka-thumbs up sign sa likod ng tarpaulin na may nakasulat na-
“Magbigay ayon sa kakayahan. Kumuha batay sa pangangailangan.”
Ayon kay Angel, ito raw ang kanyang paraan para parangalan ang mga Pilipinong nagtataguyod ng mga community pantry sa kani-kanilang lugar.
“Bilang pagpupugay sa bayanihan ng mga Pilipino at sa mga nagtayo ng mga community pantries sa iba’t ibang bahagi ng bansa natin, I decided to celebrate my birthday tomorrow by putting up a community pantry here.”
Ipinakita rin ni Angel ang mga inihanda niyang tinapay, itlog, gatas, delata, noodles, bigas, asukal, kape, at iba pa.
Matatagpuan ang pantry sa Titanium Commercial Building, 36 Holy Spirit Drive, corner Don Matias Street, Don Antonio Heights, Barangay Holy Spirit, Quezon City.
Bukas daw ito mula 10am hanggang 4pm or until supplies last.
“Anyone is welcome. But please make sure to follow protocols. If you can, please bring your own ecobag para hindi makadagdag ng basura,” paalala pa ni Angel.
Sinabi rin ng aktres na dumaan sa COVID-19 test ang mga volunteer sa kanyang pantry.
Hinangaan naman ng kanyang mga kapwa artista ang planong gawin ni Angel.
“Ang galing mo talaga. Advance happy birthday!” ayon kay Rita Avila.
“Go Angel!” ito naman ang komento ni Bianca Gonzales.
Pinusuan naman ni Marian Rivera ang post ni Angel.
Photo courtesy of Angel Locsin IG.