Ano ang “catastrophic implosion” na naging dahilan ng pagkamatay ng mga sakay ng Titan submersible?
Mike Manalaysay June 23, 2023 at 06:53 PMKinumpirma ng US Coastguard na bahagi ng Titan submersible ang mga natagpuang piraso sa ilalim ng Atlantic Ocean. Walang nakaligtas sa limang sakay ng submersible matapos ang “catastrophic implosion” ayon sa pahayag ng ahensya nitong Huwebes, June 22. Ano nga ba ang ibig sabihin nito?
Ang “catastrophic implosion” na pinaniniwalaang nagwasak sa Titan submersible, ay ang malalang pagsabog nito mula sa loob. Nangyayari ito dahil sa napalakas na pressure ng tubig sa malalim na parte ng dagat. Kaya nitong durugin ang submersible at magdulot ng mabilis na kamatayan sa mga sakay nito. Papunta sana ang Titan sa mga labi ng lumubog na barkong Titanic na matatagpuan sa karagatan ng North Atlantic sa lalim na 12,400 feet.
Gawa ng OceanGate Expeditions ang Titan submersible o sasakyang ginagamit sa ilalim ng tubig. May haba itong 6.5 na metro at kasya ang limang katao. Nagsasagawa sila ng expedition sa wreckage ng Titanic mula pa noong 2021. Sa kasalukuyan, ang bayad ng bawat pasahero sa OceanGate ay $250,000. Noong 2018, sa kabila ng ipinahayag na agam-agam ng mga submersible industry experts tungkol sa kaligtasan, ipinagpatuloy pa rin ng kumpanya ang kanilang mga tour.
Sa isang pahayag, sinabi ng OceanGate na nasawi ang lahat ng sakay ng Titan kasama ang kanilang founder at CEO na si Stockton Rush (61). Namatay rin sa insidente ang mag-amang sina Shahzada Dawood (48) at Suleman Dawood (19); Hamish Harding (58), British billionaire at explorer; at Paul-Henri Nargeolet (77), French oceanographer at Titanic expert.
Napaulat na nawawala ang Titan noong araw ng Linggo, June 18, habang pababa ito sa Atlantic Ocean para puntahan ang nakahimlay na barkong Titanic. Nawalan ito ng komunikasyon sa kanilang support ship isang oras at 45 minuto matapos itong lumusong. Isang search and rescue operation ang inilunsad ng iba’t ibang bansa para mahanap ang nawawalang submersible. Ayon sa US Coast Guard, nitong Huwebes, June 22, natagpuan ng robotic driving vehicle mula sa Canada ang ilang piraso ng Titan sa ocean floor malapit sa wreckage ng Titanic. Kasama sa namataan ang tail cone at dalawang section ng pressure hull. Wala namang nabanggit kung may nakitang mga labi ng mga nasawi.
Lumubog ang barkong Titanic noong 1912 matapos itong bumangga sa iceberg. Namatay sa naturang aksidente ang mahigit 1,500 katao kabilang ang mga pasahero at mga crew.
Photo: OceanGate