Apela ng UP tungkol sa pagbabawas sa kanilang pondo, suportado ng kongresista
Mike Manalaysay September 23, 2022 at 06:22 PMNagpahayag ng kanyang pagsuporta sa apela ng University of the Philippines Administration si Congresswoman Richelle Singson-Michael ng Ako Ilocano Ako Party-list.
Sa isang liham na ipinadala ng kongresista sa tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez noong September 20, hiniling ng party-list representative na ibalik ang nakalaang pondo ng UP System at Philippine General Hospital (PGH).
Matatandaang iminungkahi ng Department of Budget and Management (DBM) na bawasan ng P2.54 billion ang budget ng UP System at P893 million naman sa pondo ng PGH sa susunod na taon.
Ayon sa kongresista, maaapektuhan ng pagtapyas sa pondo ang mahihirap na estudyante ng UP at kapuspalad na pasyente ng PGH.
“The reduced budget of the UP System for FY 2023 may translate to adversely affecting the marginalized students of the premier university and indigent patients of Philippine General Hospital (PGH), which is an institution under its system,” paliwanag niya.
Umaasa rin aniya si Congresswoman Richelle Singson-Michael na magiging pabor sa mga nangangailangan ang desisyon ng Kongreso.
“It is with this consideration that we have manifested our full support to appeal the cuts in their funding. It is our prayer that we see a favorable measure for the welfare of the disempowered,” ayon sa kongresista.
Photos: Architect Richelle Singson-Michael Fb